Bagong Makabayan
Isang nagngangalit na tunog ng telepono ang gumising sa akin. Linggo at nasa plano ko ang humilata buong araw. Halos magbubukang-liwayway na nang matagpuan ako ng naliligaw kong tulog kaya't makatarungan lamang sigurong pagbigyan ko ang hiling ng aking namimigat pang mga talukap.
Galing sa kaibigan ko ang tawag. Darating daw siya bitbit ang asawa't anak. Mabilis kong tinapos ang pakikipag-usap at wala sa sariling dumiretso sa banyo nang makapaghilamos. May muta pa ang kaliwa kong mata nang dumating sila. Matapos bigyan ng maiinom, hindi na nag-aksaya ang kaibigan kong i-kuwento ang mabilis na pagdating ng sulat galing sa nag-aayos ng papeles nila upang makarating silang mag-anak sa Canada. Matagal na raw ang dalawang taong paghihintay bago sila makarating sa itinuturing ng maraming Pinoy na makapagsasalba sa kanilang mahirap na pamumuhay dito sa Pinas. Habang ikinukuwento niya ito'y ewan kung bakit tila mga gintong barya ang nakikita ko sa kanyang dalawang mata. Masaya ako para sa kanya. Para sa kanila ng pamilya niya. Masaya akong isipin na naroon pa rin ang pag-asang gaganda ang takbo ng buhay nila. Ngunit sa kabilang banda, nakalulungkot isiping sa karamihan, para gumanda ang buhay nila'y kailangan nilang lumayo at manirahan sa isang estrangherong lugar. Pero masisisi ba natin sila? Aanhin mo nga naman ang pagiging 'makabayan' kung kumakalam naman ang sikmura ng karamihan?
Hindi naman masama ang umalis at hanapin ang ikot ng kapalaran sa ibang lugar. Sa katunayan, tinanong ko sa kanya ang proseso para makapag-migrate sa Canada. Hindi naman ako ipokrita para itangging gusto ko ring mangibang-bansa. Pero malaki ang aking paniniwala na maikot man ng Pinoy ang buong mundo, mananatili't mananatili pa rin sa kaibuturan nito ang pagiging Pilipino.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home