Ang init ng panahon. Nalulusaw ang sebo ko sa katawan. Para akong mantikang tulog ng mahabang panahon at biglang nagising.
May bago ngayon sa araw ko. Hindi tulad ng dati na higa-tulog-banyo-kain-basa ng kung anung mahablot na libro-nuod ng tv-internet-nuod ng tv-banyo-kain-internet-basa ulit-tulog. Nagising ako ng hapon pa rin syempre, bumangon, naligo, kumain ng kaunti at lumayas.
Pumunta ako sa pinakamalapit na Copytrade at nagpaxerox para naman maisauli ko na ang libro ni Neruda at ang isa pang libro na naglalaman ng tikbalang, aswang, ulong pugot at kung anu-ano pang maligno.
Pumara ng fx, nakipagsiksikan siyempre, hanggang sa wakas, nakarating sa Whitehouse. Iyon ang tawag ko sa Unibersidad na pinapasukan ko tuwing sabado, dahil mukha naman talaga itong Whitehouse, parang palasyo.
Nagpasa ako ng sulat sa SFA, humihingi ng karagdagang porsyento para sa scholarship ko. Sana, sana naman, maaprubahan. Ayokong huminto lalo't kakaunti na lang ang bubunuin ko, baka compre na ako bago magtapos ang taon at thesis na ako sa susunod na taon. Ayoko nang istorbohin pa ang mga magulang ko sa pagpapaaral sa akin,dahil marami pa silang obligasyon sa mga maliliit ko pang kapatid. Isa pa, kung nakaya kong hindi sila istorbohin simula nang pumasok ako sa Graduate School, igagapang ko iyon hanggang katapusan. May inaplayan na ako, at kung papalaring maipasa ang Final interview, baka makapagtrabaho na rin ako sa wakas. Trabahong gustong-gusto ko.
Dumaan din ako sa registrar, para ipa-update ang civil status ko. Hehe, eto na naman ako. Baka kasi magkaproblema doon sa pinasa kong employment certificate bilang suporta sa sulat ko. Apelyido kasi ng asawa ko ang dala-dala ko sa COE ko, pero maiden name ko ang gamit ko sa eskwelahan. Wala pa naman kasi akong asawa nang mag-enroll ako. Isa pa, mas gusto kong gamitin ang apelyido ko, para kapag naging kilalang manunulat na ako, apelyido ko ang bitbit ko. Haha, ang kapal talaga ng mukha ko!
Pagkatapos kong kulitin ang staff sa registrar, dumaan ako saglit sa library para magsauli at maghiram ng libro. At presto, pauwi na ako! Ang sarap ng pakiramdam na nakakalaya ka paminsan-minsan sa apat na sulok ng iyong silid. Nararamdaman kong tao pala ako.
Sumakay na ulit ako ng fx. Okay naman ang aircon, hindi masyadong malamig pero sapat nang hindi ka malapnos ng init ng araw. Okay din ang mamang drayber. Gusto ko nga sya kung tutuusin. Parang ang sarap niyang maging lolo. Oo, matanda na siya. Medyo bingi kaya't kailangan mong ulit-ulitin ang destinasyong sinasabi mo. Nakatutuwa nga siya at aminado pa siyang mahina ang pandinig niya. Kamukha niya si Raul Gonzales. Iyong pinaamong mukha ni Raul Gonzales. Pero hindi ko sinabing gusto ko si Raul Gonzales.
Nasa SM Manila na kami nang may pumara. Pero doon din ay natapos ang byahe namin. Flat pala ang isang gulong ng sasakyan. Hindi ko man lang nakitaan ng pagkayamot si Manong driver. Nakatutuwa dahil parang napakapositibo ng tingin niya sa mga bagay-bagay. Pinababa niya kami at sinabing isasauli na lang ang pamasahe namin. Naawa ako siyempre, ewan ko ba. Isa pa, kalahati na rin ang naitatakbo ng fx nya, bakit ko pa kukunin ang pamasahe ko? Nakakaawa naman sya.
Umalis na lang ako, sumakay sa ibang fx tutal malapit na rin ako sa amin. Okay rin naman ang nalipatan ko, sobrang lamig nga ng aircon at solong-solo ko pa dahil ako lang ang pasahero.
Nakita ko na ang UST, pumara na ako. Habang paakyat sa overpass, naisip ko lang, sana okay na si Manong drayber. Na okay na ang na-flat-an niyang fx.