Kahit gising kapag nahuhumaling, parang tulog na rin
Malamig ang dampi ng hanging hatid ng kalaliman ng gabi. Marahil tumutulo na ang laway ng ilan sa sarap ng kanilang tulog habang kami ng aking kapatid ay kasalukuyang binabagtas ang daan pauwi sa Pampanga, ang aming probinsya. Ilang oras na lang at maghahasik na ang galamay ng haring araw. Kung ang ilan ay nag-iipon na ng lakas para sa pagsalubong ng bukas, kami naman ay tila gaserang unti-unting nawawalan ng gasolina.
Alas dose ng madaling-araw namin sinara ang aming tindahan. Alas dose y media ay humalo kami sa mga naglalakihang bus at traktora sa kahabaan ng expressway. Dala ang aming sasakyan na minamaneho ng aking kapatid, minabuti kong kausapin at kwentuhan siya sa aming paglalakbay kahit pa kalahati na lang bukas ang aking inaantok na mga mata. Katwiran ko'y kailangan ko siyang 'aliwin' upang hindi siya antukin sa daan. Umuwi kami dahil kailangan naming bumili ng mga paninda na nanggagaling pa sa aming probinsya. Kung ipagpapabukas namin ang pag-uwi at pamimili, masasayang ang isang araw naming kikitain dahil kakailanganin naming isara ang aming tindahan.
Sandali lang naman ang biyahe mula Maynila hanggang Pampanga. Pinakamatagal na ang dalawang oras. At dahil madaling-araw 'yon, kakayanin ang 45 minutong biyahe dahil madalang lamang ang mga sasakyan. Ngunit hindi 'yon ang nangyari.
Dala marahil ng sobrang 'pagkaaliw' ng aking kapatid sa mga kwento ko, lagpas ala una na nang madaling araw ay nasa daan pa rin kami. Marahil siya man ay nagtaka kaya't sinipat naming mabuti ang aming dinaraanan. Laking gulat nami'y nakarating kami hanggang Angeles! Malayo na 'yon sa aming destinasyon. At dahil wala kaming mapaglilikuan, kinailangan pa naming lumabas sa may toll ng Angeles pabalik ng San Fernando.Magkahalong inis, irita, pagod, at panghihinayang ang naramdaman ko ng mga oras na 'yon lalo pa't sumobra sa inaasahan ko ang binayaran namin sa toll gate. Ang 45 minuto naming paglalakbay ay umabot ng dalawang oras! Wala sanang kaso 'yon kung kasing bagal ng kompyuter ko ang daloy ng trapiko. Pero hindi. Nasayang lang ang gasolina at ang mahigit isang oras na madadagdag sa aming pahinga.
Dahil sa pangyayaring ito, isang aral ang napagtanto ko: bawal ang masyadong madaldal kung umuuwi ka ng madaling-araw.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home