May pag-asa sa likod ng camera
Magmula nang magbitiw ako sa aking trabaho tatlong buwan na ang nakararaan, naging panghimagas ko na ang ‘programa ng masang Pilipino’ ang Wowowee. Hindi naman dahil sa fan ako ni Papi pero dahil lahat ng programa sa Kapamilya ay pinapatos namin. Isa pa, aminado akong marami ang natutulungan ng programang ito. Hindi na kaila na minsa’y dito nadidiskubre ang ilang kababayan nating may angking talento sa pag-arte, pagsayaw, o pag-awit. Sumasaludo ako sa ganoong aspeto ng programa.
Ang ayoko lang sa Wowowee, masyadong ma-drama ang karamihan sa mga kalahok na sa tingin ko’y taktika lamang nila para lalong maawa sa kanila si Willy. Masyado na kasi silang OA, tipong ang lakas ng pag-atungal nila ng ‘iyak’ pero walang luha ni pawis na tumutulo. Kapag ganoon na ang eksena, nawawalan ako ng gana. Mahahalata naman kasi kung sino talaga ang naghihikahos sa mga gusto lang makarami ng perang ibibigay ni Willy. Pero kanina, ibang drama ang nasaksihan ko. Kinabog pa nito ang MMK ni Charo kaya pati tuloy si Willy, napaiyak nang todo.
Naaawa ako sa isang kalahok kanina. Kung susuriin ang pisikal na anyo niya idagdag pa ang kulay ng balat niya, mahuhulaan agad na isa siyang black American. Ito pala’y tubong Olongapo. Isa ngang black American ang ama nito na hindi na niya nakilala pa kahit kailan. Ang mas nakapagpaantig sa aki’y ang kaalaman na namatay ang nanay niya noong limang taong gulang pa lamang siya kaya’t lalong umikli ang tiyansa niyang makita pa ang ama niya. Nakadagdag din sa bigat ng kalooban ko ang hinanakit niya dahil minsa’y nakararanas din siya ng diskriminasyon dahil sa kulay ng balat niya. Mabuti na lamang at napapanood na sa iba’t ibang bansa ang programa. Kanina, kasabay ng pagsungaw ng mumunting tubig sa gilid ng aking mga mata ay ang aking piping hiling na sana nanonood ng mga sandaling iyon ang kanyang hindi pa nakikilalang ama.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home