pasaKalye

Saturday, January 17, 2009

Trabaho, nasaan ka?

Kasalukuyan kong nagmumunimuni sa FX na sinakyan ko. Mahabahaba rin ang biyahe papuntang Vito Cruz dahil medyo trapik. Gusto ko sanang umidlip pero natatakot akong lumagpas sa destinasyon ko. Mabuti na lang at masigla ang istasyong pinakikinggan ng drayber kaya't kahit paano'y naaaliw ako. Isang patalastas sa radyo ang nakakuha ng atensiyon ko.

"May trabaho na 'ko!" sigaw ng lalaki sa ere. Buti pa siya, sa loob-loob ko. Ako heto't tatlong buwan nang nakabakante. Tila narinig ng lalaki sa radyo ang sentimyento ko nang sabihin niyang "Maglog-on ka sa MayTrabaho.com"

Hindi ko alam ang website na 'yon. Ito lang ang mga nasubukan ko at awa ng Diyos, wala pa 'kong trabaho:
http://www.jobstreet.ph/
http://www.jobscentral.com/
http://www.workabroad.ph/

At ngayon, may maidadagdag ako sa listahan ko--
http://www.maytrabaho.com/

Kahit paano'y malaking bagay na bukod sa mga nakapaskil sa mga pahayagan ay may isang website na mapaghahalungkatan ko ng trabaho. Kamakailan lang, nabasa ko ang isang kamangha-manghang istorya sa isang pahayagan. Namangha ako dahil ang isang may doctorate sa Physics ay nag-apply bilang taga-walis. Nakabase sa China ang taong ito. Ilang taon na raw tapos sa kurso ang lalaking ito pero hindi niya nagamit ang kanyang pinag-aralan. At dahil sinubukan na niya ang lahat para makakuha ng trabaho'y wala pa ring nangyari, nakuha niyang patulan ang pagiging 'sweeper'. Binalewala niya ang taas ng kanyang pinag-aralan para lamang makapagtrabaho.

Ayoko namang humantong sa ganoon ang kapalaran ko. Pero kahit paano'y kinakabahan na 'ko sa pwedeng itakbo ng napili kong propesyon. Tatlong taon na rin akong tapos sa kursong Journalism. Pero maliban sa OJT ko, hindi ko na muling nagamit pa ang pinag-aralan ko. Nakapagtrabaho na 'ko pero puro pang-opisina ang mga ginagawa ko. At ngayong kumuha ako ng Masteral sa Malikhaing Pagsulat, hindi pa rin ito ginagarantiya na makakakuha ako ng trabahong nasa linya ng propesyon ko. Siguro nasa akin din ang problema. Marahil, kulang ako sa lakas ng loob at determinasyon. Pero dalawa lang naman ang gusto kong gawin: ang magsulat at magturo. Pero bakit tila kay ilap sa akin ng mga oportunidad?

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home