pasaKalye

Sunday, July 5, 2009

Ginawa ang Tula para Marinig

Ang tagal ko na ring hindi nakakabisita rito. Ang dami kong gustong isulat pero hindi ko alam kung saan magsisimula. Kailan lang, dapat ay may entry ulit ako rito pero biglang nagloko ang laptop ko. Nakakainis 'pag ganon 'di ba? Iyong nasa kasagsagan ka ng pag-e-emote mo, yung tinatawag na 'purgation of emotion' o 'catharsis', tapos biglang hindi na lang gagalaw ang cursor mo at ayun, kailangan mo nang i-reset ang pc. Nakakainis lalo na kapag hindi mo nai-save kahit man lang sa draft yung isinulat mo.

Kahapon, napakaganda ng diskusyon namin sa klase namin sa Teaching Literature. Kahit pa hindi ako nakapagparticipate (as in sa recitation dahil hindi ako ganun ka-bibong bata; madalas kasing ibinubuhos ko sa pagsusulat ang enerhiya ko), sobrang gising naman ang diwa ko. Nakakainis dahil apat na taon akong namalagi sa USTe pero bakit kahapon ko lang nalaman na may CD (USTINIG) pala ang mga makata na sina Cirilo Bautista, Rebecca Anonuevo, Michael Coroza, at marami pang iba. Grabe, iba pala talaga ang epekto ng tulang sinasalita kaysa sa tulang tahimik lamang binabasa ng isang mambabasa. Kaya todo ang pasasalamat ko kay Teacher Lua. Hindi ko talaga pinagsisisihang ini-enroll ko ang subject na iyon.

Todo kilabot talaga ako lalo na nang pumailanlang sa ere ang boses ni Ma'am Becky at itinutula ang kanyang "Bago ang Babae" na sinundan naman ni Sir Cirilo. Alam mo ba yung feeling na may bukol sa lalamunan mo tapos parang ang hirap lumunok? Ganun, ganun ang naramdaman ko. Pero kasabay no'n, nagkaroon ako ng bagong pag-asa. Hindi ko alam kung bakit, pero iba talaga ang naramdaman ko kahapon. Hindi ko nga masyadong maipaliwanag. Siguro kapag narinig mo yung sinasabi kong CD, maiintindihan mo ako. Grabe, iyon na ata ang pinakamagandang musikang narinig ko. Kung alam ko lang, imbes na mga kung anu-anong 'victim songs' ang naka-install sa ipod o pc, dapat mga ganun ang pinakikinggan ko. Iyong pakiramdam na kapag naririnig mo ang mga tulang iyon at makakasabay ka sa pagbigkas ng mga salita, pakiramdam mo'y pag-aari mo na ang tula.

Kailangan kong magkaroon ng sariling kopya nung CD na iyon. Hindi madali ang gumawa ng tula pero hindi rin madali ang basahin ito. Iyong totoong basa na may kasamang puso. Na hindi lang basta-basta letra ang trato mo sa binabasa mo kundi mga buhay na salita na inaangkin ang iyong pagkatao. Kaya saludo ako, saludo ako sa mga Pilipinong makata. Naisip ko lang, sana pwede ring i-ere ang mga ito sa radyo, ano? Para naman mabuhay muli ang sining, ang Literatura sa ating mga sistema. Ang mga ito ang kailangan natin ngayon. Hindi natin kailangan ng mga 'musikang' imbes na makapag-ambag nang mabuti sa atin ay nakadadagdag lang sa 'noise pollution'.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home