Silang mga hinusgahan
Takot ako sa mga baliw. Sa mga taong-grasa. Takot ako sa kanila dahil baka saktan nila ako. O baka habulin na lang bigla. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip nila. Pero takot ako sa kanila.
Iyon siguro ang dahilan kaya nakagawa ako ng isang maikling kwento tungkol sa isang baliw sa ngalan ni Tandang Temyong. Pero sa katha ko, malaya kong nakasalamuha ito. Siguro dahil sa kaibuturan ko, gusto kong hindi matakot sa mga tulad nila. Na gusto kong maniwalang datapwat wala sila sa hustong pag-iisip, hindi sila mananakit maliban na lamang kung may manakit sa kanila. Gusto kong isipin na kahit palaboy lamang sila, mga pusang-gala kung ituring, may silbi pa rin sila sa lipunan.
Nabangkit ko ang mga pananaw kong ito dahil iba pala ang pakiramdam kung marinig mo mismo sa isang tao ang mga katagang, "Ang mga baliw na tulad nila'y dapat ikulong o dili kaya'y patayin dahil wala na silang silbi sa lipunan."
Iyon mismo ang sinabi sa akin ng chairman sa lugar namin. Kaya pala tila may inaabangan ito malapit sa inuupahan namin, andun pala at nakaupo sa gilid ng kalsada, sa pagitan ng dalawang kotse ang isang marusing at nanlilimahid na matandang iniwan na ng katinuan ang isip. Kung tratuhin niya ito, para itong aso. Mas masuwerte pa nga yata ang aso dahil tinatrato itong aso. Pero ang baliw? Tao rin naman ito kahit pa anung lagay ng katinuan nito.
Walang pakundangang pinaalis ng chairman namin ang tahimik na taong-grasa. Nagkatinginan kami ng mister ko. Kung anu-ano pa ang sinabi ng chairman na para bang gusto nitong sumang-ayon kami sa kanyang ginawa. Pero may sarili akong isip. Hindi na lang kami kumibo pero tinanaw namin ng may habag ang kaawa-awang nilalang. Ang sabi ni chairman, ito raw ang nambasag ng mga kagamitan sa karatig lugar. Hindi namin alam kung ano ba talaga ang nangyari. Pero simula nang makita namin ang matandang taong-grasang iyon, tahimik lang ito sa sulok.
Bago pa nga dumating si chairman, inabutan ng mister ko ng pagkain ang matanda. Inusisa ko ang pagkaing binabalot niya at sinabi niyang baka gutom na ang matanda dahil nakita niyang dumaan itong hawak-hawak ang sikmura. Hindi na ako kumibo. Sanay na ako sa mister ko. Isa iyong katangian niya na malimit na nagpapahanga sa akin.
Pero hindi raw iyon tinanggap ng matanda ayon sa mister ko. Iniwan na lamang daw niya sa tabi nito ang supot ng pagkain saka nga dumating si chairman. Nang umalis ang matanda, inutusan ko ang mister kong tignan kung kinuha nito ang pagkain dahil parang wala akong nakitang dala nito. At tama nga ang hinala namin, iniwan lamang nito ang pagkain kung saan inilapag ng mister ko.
Sa loob-loob ko, gusto kong sabihin sa chairman na sino ba siya para sabihing wala ng silbi sa lipunan ang isang tulad ng taong-grasa? Sino ba siya para tuldukan ang pag-asa para sa isang tulad nila? Imbes na umunawa sa lagay ng matanda, isang pagkondena ang ginawa ni chairman. Kung totoo mang nanggugulo ito, bakit hindi siya makipag-ugnayan sa mga kinauukulan para madala ito sa isang institusyong para sa mga ito?
Kahit ang isang ipis, lamok, o langgam ay may silbi sa lipunan. Ang isa pa kayang tulad ng matandang taong-grasa? Sino ba tayo para humusga? Minsan nga, kung sino pa ang matino, iyon pa ang sumisira sa lipunang ito.
Ito lang ang masasabi ko: "Ang sinumang walang bahid dumi ay siyang unang pumukol ng bato."

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home