Isang Pag-alala
Hindi ko kaanu-ano si Francis Magalona pero ramdam ko ang pagkawala niya. Siguro dahil bata palang ako'y naging bahagi na nang buhay ko ang ilan sa mga kanta niya. Noon, natatandaan kong sa tuwing pinapatugtog ang kanta niya na hindi ko na maalala ang titulo pero may lyrics na "huwag kang mahihiya kung ang ilong mo ay pango..." inis na inis ako. Pinanganak kasi akong hindi katangusan ang ilong at madalas na kinakanta iyon ng kuya ko sa tuwing tinutukso niya ako.
Siguro hindi kailangang maging kamag-anak mo o kakilala mo ang isang tao para maramdaman ang importansya niya sa buhay mo. Kahit naman noong namatay si FPJ at Daboy, apektado rin ako. Kahit pa sabihin kong hindi ko naman sila iniidolo pero iyong nasanay na akong makita sila sa telebisyon at pagkatapos ay bigla na lang silang mawawala, malaking bagay iyon. Nalulungkot ako para sa mga iniwang anak ni Francis M. Walo pala ang mga ito at napakabata pa. Kung ako na isang nanonood lang ay tila nilalapirot ang kaloob-looban ko kaninang ipinapakita sa telebisyon ang mga huling yugto ng buhay ni Francis M., paano pa kaya ang mismong pamilyang naulila nito?
Siguro nga masyado akong emosyonal. Kaya kahit ang pag-alis ng kasambahay namin ay dinidibdib ko. Kailan lang, tatlong araw pa lang ang nakalilipas nang magpaalam ang magpinsan na katu-katulong namin sa aming maliit na tindahan na uuwi sa kanila para gunitain ang isang taong pagkamatay ng kanilang lolo o ingkong. Pumayag naman kami dahil madalang lang naman kung sila'y umuwi. Pero wala silang sinabi kung kailan sila luluwas. Tiwala naman kaming mga dalawang araw lang naman ang itatagal nila sa kanilang baryo.
Mahirap ang dalawang araw na wala sila. Kaming mag-asawa ang pagod na pagod dahil wala kaming maasahang ibang makakatulong namin. Nang itext ko ang kasambahay namin kung kailan sila uuwi, parang nanlumo ako nang sabihin ng kanyang tatay na pinapagpahinga na nito ang kanyang anak.
Anim na buwan pa lang sa amin si Kay. Apo ito ng yaya ng aking kapatid na hindi rin naman iba sa amin. Ang pinsang lalaki nito ay kaluluwas lang kahapon. Akala nga nami'y hindi na rin ito babalik.
Nalulungkot ako dahil ni hindi man lang ito nagpaalam ng maayos sa amin. Wala naman kaming ipinakitang pangit na pakikitungo at hindi rin namin siya itinuring na iba. Kaya nga masakit sa akin ang pag-alis niya dahil nasanay na akong lagi siyang kasama. Parang nakababatang kapatid ko na siya. Higit pa nga akong malapit sa kanya kaysa sa kapatid kong babae. Para akong namatayan. Iyon ang naramdaman ko. Siya lang ang napagkakatiwalaan namin na kahit umalis kami'y hindi niya pababayaan ang tindahan. Masipag din siya at tipong hindi na kailangang utusan. Hindi tulad ng pinsan niyang de pukpok.
Iba ang gising ko sa nakaraang dalawang araw. Malungkot. Ang pagbabadya ng kwaresma'y para sa aki'y nariyan na. Nakakapanibago ang bawat araw. Nasanay ako na naririnig ang malakas niyang tawa, ang mga tsismis na nakalap niya sa katabing bahay, at kung anu-ano pang kalokohan. Hindi ko alam kung may halaga ba sa kanya ang aming pinagsamahan o isa lang akong nagpapasweldo sa kanya ang turing niya sa akin. Napakabigat ng loob ko. Sabi ko nga, kung may sapat lang akong pera, tutulungan ko syang makapag-aral sa kolehiyo.
Kanina, hindi ko alam kung sino ang ipinagluluksa ko. Ang hirap kasi sa akin, madali akong mapalapit sa isang tao kaya't nahihirapan akong tanggapin ang katotohanang umalis na ito.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home