Kung punit na ang papel...
Pagod na 'ko.
Suko na 'ko.
Ayoko na.
Kahit naman siguro sino, kung ang pakiramdam nila'y isa na lamang silang 'ligaw na kaluluwa', ito ang mararamdaman nila. Hindi ko na alam kung anong iisipin ko para pilitin ko ang mga mata kong dumilat tuwing umaga. Nitong mga nakaraang buwan, madalas, mas gugustuhin ko pang manatili na lamang nakasara ang mga mata ko. Nang sa ganon, kahit man lamang doon ay makatagpo ako ng kapanatagan ng loob.
Ito rin ang dahilan kung bakit matagal-tagal na rin akong hindi nakakabisita rito. Madalas kasi'y nagmumuni-muni lang ako, nag-iisip ng kung anu-ano. Gusto kong hilingin na sana'y isa na lamang akong papel, na kayang liparin ng hangin, ipadpad sa malayong lugar at doon hintayin ang aking katapusan. O kaya nama'y papel na pagkatapos ilipad ng hangi'y susundan ng pagbagsak ng nagngangalit na pangil ng ulan o bagyo. At doon, unti-unti akong mapupunit, madudurog, hanggang sa wala nang matira pa sa akin.
Siguro ngayong binabasa mo ito, napapailing ka o 'di kaya'y natatawa. Na gasgas na ang pagsesentimyento ko't pagdadrama. Na isa lang akong larawan ng taong tinraydor ng tadhana. O 'di kaya'y isang nilalang na nagpapapansin lamang. Iyon lamang siguro ako sa iyo.
Wala akong pakialam, magkagano'n man. Masyado na akong pagod para mangialam pa. Sabi ko nga, suko na ako. Ayoko na. Ngayon sasabihin mo sa aking, 'mas marami pang mga taong higit na may malaking suliranin sa 'yo pero lumalaban sila para mabuhay. Dahil sa kabila ng lahat, masarap pa rin ang mabuhay.'
Hindi sa akin. Ang mga taong lumalaban ay dahil mayroon pa silang ipinaglalaban. Mayroon silang pinagkukuhanan ng lakas, ng rason para huminga at piliting idilat ang talukap ng kanilang mga mata.
Hindi ako.
Wala nang panlasa ang aking dila para lasapin ang tamis ng iyong mga salita. Wala ka nang magagawa pa para sa isang taong mas nanaisin nang lamunin ng dilim kaysa umasang mayroon pang hindi nauupos na kandilang magbibigay liwanag sa kanya.
Tama na.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home