pasaKalye

Monday, January 19, 2009

Trapik sa aking Kamalayan

Hindi ako naniniwala sa writer’s block o ang kawalan ng manunulat ng maisusulat dahil hindi gumagana ang kamalayan nito. Pero sa mga oras na ito, parang gusto ko na yatang maniwalang dumadaan nga sa kahit kaninong manunulat ang ‘sakit’ na iyon. Kahit kasi anong gawin ko, parang may banggaang sasakyan sa loob ng utak ko kaya't hindi gumagana ito. Marahil, dala na rin ito ng matinding pagod. Buong araw kasi akong naglinis ng kwarto at patapos na ang I love Betty La Fea nang bumaba ako para maligo.
Literal na pwedeng magtanim sa loob ng kwarto namin. Noong nakaraang taon ko pa huling nilinis ito kaya't hindi na katakatakang tila nagsaka ako. Idagdag pa ang gahiblang mga buhok ko na dinaig pa ang tag-lagas dahil sa kakasuklay ko. Siyempre, hindi por que't wala akong trabaho kaya't puro kain, tulog, at aral lang ang gagawin ko. Bukod sa pagbabantay ng munti naming negosyo, kailangan ko ring asikasuhin ang mumunting bagay sa inuupahan naming bahay. Hindi ko naman kasi gawaing iasa sa kasambahay ang paglilinis ng aming kwarto hindi dahil sa kung anupamang dahilan bagkus mas madali sa akin ang maghanap ng mga gamit kung ako mismo ang nagligpit ng mga iyon. At dahil dumating na ang taong makakatulong namin sa aming negosyo, malaya akong naglinis nang maghapon. Kaya nga wala akong maisip itala rito maliban na lamang sa mga sinundang programa ni Betty. Para ngang ipinatapon ako sa malayong sibilisasyon dahil sa Bandila ko na lang nalaman na may isyu na naman pala sa mga pagkaing galing Tate, gaya ng peanut butter. Gusto ko pa man din magpaluto ng Kare-kare bukas. Sabagay, hindi naman kailangang imported pa ang ilagay sa Kare-kare. Mas masarap pa nga ang giniling na mani na lang.
Ganito nga siguro ang tinatamaan ng 'sakit' ng mga manunulat. Ito na nga kaya ang writer's block?

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home