pasaKalye

Wednesday, March 25, 2009

Mangilabot ka naman!

Dalawang araw ko ng nakikita ang pagmumukha ni Ed Panlilio sa mga balita sa telebisyon. Hindi pa man nag-uumpisa ang recall sa pagka-gobernador niya, heto't nag-iingay na naman siya.

Hindi ko masisisi kung isa't kalahating tanga ang mga kababayan ko sa Pampanga. Isa rin akong Kapampangan at nalulungkot akong isipin na matapos ni Bren Guiao, wala na akong maalalang matinong gobernador na naluklok sa nasabing lalawigan.

Sino nga ba ang hindi mabubuhayan ng loob nang biglang pumagitna ang Praise the Lord sa Jueteng Lord at Quarry Lord noong nakaraang eleksyon? Choose the lesser evil ika nga.

Naniwala ang mga Kapampangan na ang isang paring tumalikod sa sinumpang pangako sa Diyos ay kayang isalba ang Pampanga. Walang masama kung maniwala ka hindi ba? Para ding pananampalataya 'yan, Faith ika nga. Ang kaso, ano nga ba ang nangyayari ngayon sa Pampanga?

Kung bakit kasi, kung sinu-sino na lang ang humahabol sa eleksyon. Bakit kaya kapag naghahanap ka ng mapapasukang trabaho, katakot-takot na requirements ang hinihingi sa iyo na kung tutuusin, isang ordinaryong posisyon lang naman ang inaaplayan mo? Pero kung bansa na ang pinag-uusapan, o kaya'y sa isang lugar sa bansa, hindi mo na kailangan ng kung anu-anong requirement para lang makatakbo. At kung meron mang requirement, siguradong maraming padrino diyan sa tabi-tabi para lang mailuklok ka.

Sumusulak ang dugo ko lalo na sa tuwing ginagamit ni Panlilio ang Diyos. Baka nakakalimutan niya, wala na siyang abito. Sana naman, huwag niyang lasunin o bilugin ang matagal ng bilog na ulo ng mga Kapampangan, o ng buong bayan. Akalain mo? May balak pa pala siyang tumakbo bilang Presidente kung daw siya ang 'isinugo ng Diyos'? Baka nakakalimutan niya ang ikatlong utos ng Diyos, Thou shall not take the name of the Lord, your God in vain. Para isama ang Diyos sa pamumulitika ay isang tunay na pambabastos sa Kanya.

Isa pa, dapat isipin ng taong-bayan ito: kung sa tungkulin nga ni Panlilio sa Diyos bilang isang pari ay hindi niya nagampanan ng husto, hindi niya napanindigan ang pangakong binitawan niya sa Simbahang Katoliko, paano pa kaya sa pulitika? Biruin n'yo, Diyos na iyon pero nagawa pa niyang talikuran?

Kahit kailan, hindi kayang pagsamahin ang Simbahan at Pulitika. Kung ano man ang motibo ni Panlilio, sana lang, huwag na niyang gamitin pa ang pangalan ng Maykapal. Dahil ako na simpleng nakakarinig lang, kinikilabutan na ako!

Tuesday, March 24, 2009

Si Bobis at ang kanyang Yaman

May nakilala na naman akong isang makata. Nakahihiya mang aminin, ngayon ko lang nabasa ang mga gawa niya. Matagal ko ng naririnig ang pangalan niya lalo na sa mga batikan kong propesor. Mabuti na lang, naalala kong humiram ng libro niya. Isang koleksyon ng mga tula na may English translation. Hindi pa naman huli para kilalanin ko siyang mabuti. At nais kong ibahagi ito, sa mga katulad kong ngayon lang siya nakadaupang-palad.
Si Merlinda Carullo Bobis at ang koleksyon niyang "Ang Lipad ay Awit sa Apat na Hangin".

BANGKETE NI KA PEDRING

lupa ang aking hapag,
bandehadong bukid ang siyang nakalatag;
'sang pitsel na batis, pantulak kong alak,
at ang panghimagas--salansan ng pangarap!

Isa lang ang tulang ito sa mga dyamanteng nakapaloob sa koleksyon ni Bobis. Hindi niyo na kailangang magnakaw sa kaban ng bayan para lang yumaman. Subukan niyong buklatin ang mga libro ni Bobis, tiyak kong hinding-hindi kayo mananatiling dukha.

Monday, March 23, 2009

Para Manong, Para po

Ang init ng panahon. Nalulusaw ang sebo ko sa katawan. Para akong mantikang tulog ng mahabang panahon at biglang nagising.
May bago ngayon sa araw ko. Hindi tulad ng dati na higa-tulog-banyo-kain-basa ng kung anung mahablot na libro-nuod ng tv-internet-nuod ng tv-banyo-kain-internet-basa ulit-tulog. Nagising ako ng hapon pa rin syempre, bumangon, naligo, kumain ng kaunti at lumayas.
Pumunta ako sa pinakamalapit na Copytrade at nagpaxerox para naman maisauli ko na ang libro ni Neruda at ang isa pang libro na naglalaman ng tikbalang, aswang, ulong pugot at kung anu-ano pang maligno.
Pumara ng fx, nakipagsiksikan siyempre, hanggang sa wakas, nakarating sa Whitehouse. Iyon ang tawag ko sa Unibersidad na pinapasukan ko tuwing sabado, dahil mukha naman talaga itong Whitehouse, parang palasyo.
Nagpasa ako ng sulat sa SFA, humihingi ng karagdagang porsyento para sa scholarship ko. Sana, sana naman, maaprubahan. Ayokong huminto lalo't kakaunti na lang ang bubunuin ko, baka compre na ako bago magtapos ang taon at thesis na ako sa susunod na taon. Ayoko nang istorbohin pa ang mga magulang ko sa pagpapaaral sa akin,dahil marami pa silang obligasyon sa mga maliliit ko pang kapatid. Isa pa, kung nakaya kong hindi sila istorbohin simula nang pumasok ako sa Graduate School, igagapang ko iyon hanggang katapusan. May inaplayan na ako, at kung papalaring maipasa ang Final interview, baka makapagtrabaho na rin ako sa wakas. Trabahong gustong-gusto ko.
Dumaan din ako sa registrar, para ipa-update ang civil status ko. Hehe, eto na naman ako. Baka kasi magkaproblema doon sa pinasa kong employment certificate bilang suporta sa sulat ko. Apelyido kasi ng asawa ko ang dala-dala ko sa COE ko, pero maiden name ko ang gamit ko sa eskwelahan. Wala pa naman kasi akong asawa nang mag-enroll ako. Isa pa, mas gusto kong gamitin ang apelyido ko, para kapag naging kilalang manunulat na ako, apelyido ko ang bitbit ko. Haha, ang kapal talaga ng mukha ko!
Pagkatapos kong kulitin ang staff sa registrar, dumaan ako saglit sa library para magsauli at maghiram ng libro. At presto, pauwi na ako! Ang sarap ng pakiramdam na nakakalaya ka paminsan-minsan sa apat na sulok ng iyong silid. Nararamdaman kong tao pala ako.
Sumakay na ulit ako ng fx. Okay naman ang aircon, hindi masyadong malamig pero sapat nang hindi ka malapnos ng init ng araw. Okay din ang mamang drayber. Gusto ko nga sya kung tutuusin. Parang ang sarap niyang maging lolo. Oo, matanda na siya. Medyo bingi kaya't kailangan mong ulit-ulitin ang destinasyong sinasabi mo. Nakatutuwa nga siya at aminado pa siyang mahina ang pandinig niya. Kamukha niya si Raul Gonzales. Iyong pinaamong mukha ni Raul Gonzales. Pero hindi ko sinabing gusto ko si Raul Gonzales.
Nasa SM Manila na kami nang may pumara. Pero doon din ay natapos ang byahe namin. Flat pala ang isang gulong ng sasakyan. Hindi ko man lang nakitaan ng pagkayamot si Manong driver. Nakatutuwa dahil parang napakapositibo ng tingin niya sa mga bagay-bagay. Pinababa niya kami at sinabing isasauli na lang ang pamasahe namin. Naawa ako siyempre, ewan ko ba. Isa pa, kalahati na rin ang naitatakbo ng fx nya, bakit ko pa kukunin ang pamasahe ko? Nakakaawa naman sya.
Umalis na lang ako, sumakay sa ibang fx tutal malapit na rin ako sa amin. Okay rin naman ang nalipatan ko, sobrang lamig nga ng aircon at solong-solo ko pa dahil ako lang ang pasahero.
Nakita ko na ang UST, pumara na ako. Habang paakyat sa overpass, naisip ko lang, sana okay na si Manong drayber. Na okay na ang na-flat-an niyang fx.

Wednesday, March 18, 2009

Pakibaba nga ang kilay ko

Hindi ko sinasadyang matisod sa isang balita sa internet. Pero naintriga ako't hindi napigilang tumaas ang kaliwang kilay ko.

Nakakatuwa talaga itong si Nicole (*sarkasmo).

Akalain mong lumipad na lang sa bayan ni Uncle Sam matapos tumanggap ng isangdaang libong piso (hindi man lang dolyar) para sa moral damages kuno?! Juice ko po! Ineng, ang baba naman ng moralidad mo!

Kung hindi ako nagkakamali, nawalan daw si Nicole ng gana sa kaso dahil na rin sa sistema ng hustisya sa Pilipinas. Gasgas na ang linyang iyan, mag-isip ka naman ng iba!

Ito ba ang babaeng nagsusumigaw ng panggagahasa ilang taon pa lang ang nakalilipas? Panggagahasa di umano ng apo ng mga apo ni Uncle Sam?

Na-windang ako sa nabasa ko. Mabuti na lang, ang sabi ng mga 'kinauukulan', hindi naman mababago ng pag-atras ni Nicole ang magiging desisyon kung sakali sa kaso ni Smith.

Gusto kong dumura, iyong durang may plema pa sa ginawang iyon ni Nicole. Parang ako ang nahihiya sa sariling bayan ko. Si Smith ay isang Amerikano na gumahasa sa isang Pilipina. Hindi ko nilalahat ang mga Amerikano pero naturalmente, kung ikaw na isang Pilipina'y gustong magbagong buhay, nanaisin mo iyon sa isang lugar na malayo sa anino ng mga sumalbahe sa iyo. Malabo ba ang punto de vista ko?

Mas maiintindihan ko pa kung tumakbo sa ibang lugar si Nicole. Hindi man dito sa Pilipinas, pero lalong hindi sa Amerika. Sa tingin ba niya, tatanggapin siya ng mga ka-lahi ng taong pinakulong niya't pinaratangan ng kung anu-ano ng buong-puso at walang pag-iimbot? Iyong tipong may 'welcome banner' pa siya ng mga Puti? Huh!

Siguro nga'y may sariling dahilan si Nicole. Sige, bigyan natin siya ng isang umaatikabong 'benefit of the doubt'.

Pero sana lang, sa ginawa niyang ito, magkaroon na siya ng kapanatagan ng loob.

Suicide

Lagi na lang akong takot sumubok ng mga bagay na hindi ko karaniwang ginagawa. Pero sa pagsusulat, nagiging matapang akong maging malaya sa mga kinatatakutan ko.
Kung hindi ko pakakawalan ang mga salitang nasa loob ko, matagal na akong patay-- patay dahil para ko na ring sinakal ang sarili ko, tinakpan ang lagusan ng hanging nagbibigay buhay sa akin. Ang mga salita ay ang hangin. Ang hangin ay ang mga salita. Kung hindi ko ito pakakawalan, puputok ako gaya ng isang lobo. Lilipad ang gulagulanit kong katawan at dadapo sa sulok sa kung saan.

Tuesday, March 10, 2009

Sangkap para sa Masustansiyang Pamumuhay

Naniniwala ako na iisa lang ang pinakamagaling na Cook sa buong mundo. Sino pa, eh di si Bro! Naaamoy ko na nga ang masarap na inihahanda niya para sa isang masaganang pamumuhay na naghihintay sa atin sa hinaharap.
Kaya lang siyempre, maraming ipinagluluto si Bro. Nararapat lang na tulungan natin Siya sa pagpeprepara ng mga kakailanganin Niyang sangkap para mas mapadali ang putaheng niluluto Niya.
Ito ang mga sumusunod na sangkap:
3 tasang Pananampalataya
-(Makukuha ito sa pagdarasal lagi at siyempre pa, sa pagbisita sa tahanan Niya.)
1 tasang pagmamahal sa kapwa
-(Pinatatamis nito ang pagkaing lulutuin ni Bro)
1/2 tasang pagmamahal sa sarili
-(Kailangan ding mahal mo ang sarili mo para makapagbigay ka ng pagmamahal sa kapwa. Pero mas kaunti ito dahil ito'y nagsisilbi lang na isa sa mga pampalasa sa putahe ni Bro.)
1 kutsarang tiwala sa sarili
-(Importante ito para kumapit lahat ng pampalasa!)
1/2 tasang sipag at tiyaga
-(Huwag iasa lahat kay Bro. Kailangan mo ring kumilos para hindi masira o mapanis ang niluluto Niya.)
2 kutsarang determinasyon
-(Nasasayo kung gusto mong makakain kaagad!)
Kung susumain, hindi mahirap hagilapin ang mga sangkap na ito. Hindi mo kailangang gumastos ng pagkalaki-laki para lang makakain ng masarap at masustansya. Nasa tabi-tabi nga lang ang mga sangkap at ang kailangan mo lang gawin ay gamitin ito ng wasto. Kung may kulang pa sa mga sangkap na nabanggit ko, pwede itong dagdagan ng ayon sa panlasa mo. Siguraduhin lamang na ito'y hindi bulok at baka masira lang ang recipe ni Bro.
At ang pinaka-importante, sa oras na maluto na ito, HUWAG na HUWAG pinaghihintay ang pagkain at baka magtampo ito!

Saturday, March 7, 2009

Isang Pag-alala

Hindi ko kaanu-ano si Francis Magalona pero ramdam ko ang pagkawala niya. Siguro dahil bata palang ako'y naging bahagi na nang buhay ko ang ilan sa mga kanta niya. Noon, natatandaan kong sa tuwing pinapatugtog ang kanta niya na hindi ko na maalala ang titulo pero may lyrics na "huwag kang mahihiya kung ang ilong mo ay pango..." inis na inis ako. Pinanganak kasi akong hindi katangusan ang ilong at madalas na kinakanta iyon ng kuya ko sa tuwing tinutukso niya ako.
Siguro hindi kailangang maging kamag-anak mo o kakilala mo ang isang tao para maramdaman ang importansya niya sa buhay mo. Kahit naman noong namatay si FPJ at Daboy, apektado rin ako. Kahit pa sabihin kong hindi ko naman sila iniidolo pero iyong nasanay na akong makita sila sa telebisyon at pagkatapos ay bigla na lang silang mawawala, malaking bagay iyon. Nalulungkot ako para sa mga iniwang anak ni Francis M. Walo pala ang mga ito at napakabata pa. Kung ako na isang nanonood lang ay tila nilalapirot ang kaloob-looban ko kaninang ipinapakita sa telebisyon ang mga huling yugto ng buhay ni Francis M., paano pa kaya ang mismong pamilyang naulila nito?
Siguro nga masyado akong emosyonal. Kaya kahit ang pag-alis ng kasambahay namin ay dinidibdib ko. Kailan lang, tatlong araw pa lang ang nakalilipas nang magpaalam ang magpinsan na katu-katulong namin sa aming maliit na tindahan na uuwi sa kanila para gunitain ang isang taong pagkamatay ng kanilang lolo o ingkong. Pumayag naman kami dahil madalang lang naman kung sila'y umuwi. Pero wala silang sinabi kung kailan sila luluwas. Tiwala naman kaming mga dalawang araw lang naman ang itatagal nila sa kanilang baryo.
Mahirap ang dalawang araw na wala sila. Kaming mag-asawa ang pagod na pagod dahil wala kaming maasahang ibang makakatulong namin. Nang itext ko ang kasambahay namin kung kailan sila uuwi, parang nanlumo ako nang sabihin ng kanyang tatay na pinapagpahinga na nito ang kanyang anak.
Anim na buwan pa lang sa amin si Kay. Apo ito ng yaya ng aking kapatid na hindi rin naman iba sa amin. Ang pinsang lalaki nito ay kaluluwas lang kahapon. Akala nga nami'y hindi na rin ito babalik.
Nalulungkot ako dahil ni hindi man lang ito nagpaalam ng maayos sa amin. Wala naman kaming ipinakitang pangit na pakikitungo at hindi rin namin siya itinuring na iba. Kaya nga masakit sa akin ang pag-alis niya dahil nasanay na akong lagi siyang kasama. Parang nakababatang kapatid ko na siya. Higit pa nga akong malapit sa kanya kaysa sa kapatid kong babae. Para akong namatayan. Iyon ang naramdaman ko. Siya lang ang napagkakatiwalaan namin na kahit umalis kami'y hindi niya pababayaan ang tindahan. Masipag din siya at tipong hindi na kailangang utusan. Hindi tulad ng pinsan niyang de pukpok.
Iba ang gising ko sa nakaraang dalawang araw. Malungkot. Ang pagbabadya ng kwaresma'y para sa aki'y nariyan na. Nakakapanibago ang bawat araw. Nasanay ako na naririnig ang malakas niyang tawa, ang mga tsismis na nakalap niya sa katabing bahay, at kung anu-ano pang kalokohan. Hindi ko alam kung may halaga ba sa kanya ang aming pinagsamahan o isa lang akong nagpapasweldo sa kanya ang turing niya sa akin. Napakabigat ng loob ko. Sabi ko nga, kung may sapat lang akong pera, tutulungan ko syang makapag-aral sa kolehiyo.
Kanina, hindi ko alam kung sino ang ipinagluluksa ko. Ang hirap kasi sa akin, madali akong mapalapit sa isang tao kaya't nahihirapan akong tanggapin ang katotohanang umalis na ito.

Friday, March 6, 2009

Cartoons and Christ






I have two email addresses. I created a new account with my fullname as my address since my old account is too informal to be used in resumes and the like. My old account's address is a combination of my name and my husband's plus our anniversary date. I seldom checked my more 'personal' email so I decided to check it last night. My inbox was screaming with its 113 unread messages, most of it were from friendster and jobstreet.
I deleted a chunk of messages and retained those forwarded by my friends. Sometimes I'm too careful to read them, afraid that I would get 'chain letters'. Yes, as much as possible I avoid such letters. They upset me actually. Forwarding those letters to friends just to have a good luck. But I received a different kind of forwarded message. I never thought there's an existing cartoon about the Good News. Thanks to my friend who forwarded the message with the inspiring cartoons. I tried to save the pictures to upload here in my blog but for some reasons I could not upload it. But I'm too eager to share these cartoons so I checked if there's a website for it. Luckily, there is. To get full access of the different cartoons, you can visit www.joyfultoons.com.
These masterpieces by Michael D. Waters are awesome. They could uplift one's spirit. If you're bored reading your Bible, you can have an alternative with these cartoons because they were inspired by the Scriptures. Go on and spread the Good News!


Thursday, March 5, 2009

Ekphrasis


Mourning Picture
Edwin Romanzo Elmer (1890)





"Mourning Picture"
Adrienne Rich (1965)

They have carried the mahogany chair and the cane rocker
out under the lilac bush,
and my father and mother darkly sit there, in black clothes.
Our clapboard house stands fast on its hill,
my doll lies in her wicker pram
gazing at western Massachusetts.
This was our world.
I could remake each shaft of grass
feeling its rasp on my fingers,
draw out the map of every lilac leaf
or the net of veins on my father's
grief-tranced hand.

Out of my head, half-bursting,
still filling, the dream condenses--
shadows, crystals, ceilings, meadows, globes of dew.
Under the dull green of the lilacs, out in the light
carving each spoke of the pram, the turned porch-pillars,
under high early-summer clouds,
I am Effie, visible and invisible,
remembering and remembered.

**I wish I was the one who wrote this ekphrastic poem. I was deeply touched by it and can't help not to feel sad. The last two lines have very strong impact. It was in these lines where I realized the girl in the painting died already, that she was just a wandering soul-- the reason why the picture was called "Mourning Picture" and yet it did not cross the border of sentimentality.

Wednesday, March 4, 2009

Silang mga hinusgahan

Takot ako sa mga baliw. Sa mga taong-grasa. Takot ako sa kanila dahil baka saktan nila ako. O baka habulin na lang bigla. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip nila. Pero takot ako sa kanila.
Iyon siguro ang dahilan kaya nakagawa ako ng isang maikling kwento tungkol sa isang baliw sa ngalan ni Tandang Temyong. Pero sa katha ko, malaya kong nakasalamuha ito. Siguro dahil sa kaibuturan ko, gusto kong hindi matakot sa mga tulad nila. Na gusto kong maniwalang datapwat wala sila sa hustong pag-iisip, hindi sila mananakit maliban na lamang kung may manakit sa kanila. Gusto kong isipin na kahit palaboy lamang sila, mga pusang-gala kung ituring, may silbi pa rin sila sa lipunan.
Nabangkit ko ang mga pananaw kong ito dahil iba pala ang pakiramdam kung marinig mo mismo sa isang tao ang mga katagang, "Ang mga baliw na tulad nila'y dapat ikulong o dili kaya'y patayin dahil wala na silang silbi sa lipunan."
Iyon mismo ang sinabi sa akin ng chairman sa lugar namin. Kaya pala tila may inaabangan ito malapit sa inuupahan namin, andun pala at nakaupo sa gilid ng kalsada, sa pagitan ng dalawang kotse ang isang marusing at nanlilimahid na matandang iniwan na ng katinuan ang isip. Kung tratuhin niya ito, para itong aso. Mas masuwerte pa nga yata ang aso dahil tinatrato itong aso. Pero ang baliw? Tao rin naman ito kahit pa anung lagay ng katinuan nito.
Walang pakundangang pinaalis ng chairman namin ang tahimik na taong-grasa. Nagkatinginan kami ng mister ko. Kung anu-ano pa ang sinabi ng chairman na para bang gusto nitong sumang-ayon kami sa kanyang ginawa. Pero may sarili akong isip. Hindi na lang kami kumibo pero tinanaw namin ng may habag ang kaawa-awang nilalang. Ang sabi ni chairman, ito raw ang nambasag ng mga kagamitan sa karatig lugar. Hindi namin alam kung ano ba talaga ang nangyari. Pero simula nang makita namin ang matandang taong-grasang iyon, tahimik lang ito sa sulok.
Bago pa nga dumating si chairman, inabutan ng mister ko ng pagkain ang matanda. Inusisa ko ang pagkaing binabalot niya at sinabi niyang baka gutom na ang matanda dahil nakita niyang dumaan itong hawak-hawak ang sikmura. Hindi na ako kumibo. Sanay na ako sa mister ko. Isa iyong katangian niya na malimit na nagpapahanga sa akin.
Pero hindi raw iyon tinanggap ng matanda ayon sa mister ko. Iniwan na lamang daw niya sa tabi nito ang supot ng pagkain saka nga dumating si chairman. Nang umalis ang matanda, inutusan ko ang mister kong tignan kung kinuha nito ang pagkain dahil parang wala akong nakitang dala nito. At tama nga ang hinala namin, iniwan lamang nito ang pagkain kung saan inilapag ng mister ko.
Sa loob-loob ko, gusto kong sabihin sa chairman na sino ba siya para sabihing wala ng silbi sa lipunan ang isang tulad ng taong-grasa? Sino ba siya para tuldukan ang pag-asa para sa isang tulad nila? Imbes na umunawa sa lagay ng matanda, isang pagkondena ang ginawa ni chairman. Kung totoo mang nanggugulo ito, bakit hindi siya makipag-ugnayan sa mga kinauukulan para madala ito sa isang institusyong para sa mga ito?
Kahit ang isang ipis, lamok, o langgam ay may silbi sa lipunan. Ang isa pa kayang tulad ng matandang taong-grasa? Sino ba tayo para humusga? Minsan nga, kung sino pa ang matino, iyon pa ang sumisira sa lipunang ito.
Ito lang ang masasabi ko: "Ang sinumang walang bahid dumi ay siyang unang pumukol ng bato."

Tuesday, March 3, 2009

The Face of Hope

Things have gone different now. When we were small, the only problem we had was how to buy a candy or how to convince our parents to buy the latest toy we saw in the mall.

But life is so complex than what we think. We are grown-ups now. As we grow and mature, our problems become bigger too.

How I envy those children whom they could cry in one minute and laugh afterwards; those children whom they could play all the way in the rain, not minding the mud but play in it as well. They are not afraid to be scolded by their parents nor they are afraid to get colds. For them, what is more vital is the good feeling they get from playing in the rain-- the freedom of doing what would make them happy. How I crave to be child again. Less worries, happy life.

Is it too much to ask? For me to become child again? Or at least to be child at heart?
















Monday, March 2, 2009

Estranghero sa sariling kwarto

Ang sabi ng karamihan, kapag daw madalas walang tao sa isang bahay o isang kwarto ng bahay, pinamamahayan ito ng iba't ibang elemento lalo na kung madalas, tahimik dito.
Iyon ang dahilan kung bakit takot akong matulog sa sarili kong kwarto, idagdag pa na napakalaki nito para sa dalawang tao. Masasabing malaki ang bahay namin sa probinsya lalo na ngayong limang katao lang ang naroon sa dalawang palapag na bahay--ang nanay at tatay ko kasama ng bunso namin, at ang ikalawang bunso na dahil walang kasamang matulog sa sariling kwarto ay nakikitulog sa kwarto ng aming kasambahay, pwera na lang kung naroon ang mga pinsan namin.
Nagmumukha na ngang 'haunted house' ito lalo na ito lang ang mataas na bahay na nakatayo sa parteng iyon ng subdivision. Lumawak pa ito nang padagdagan ng resthouse sa tabi ng pinakabahay namin at dito nakatira ang ate ko at ang pamilya niya. Sa katabi naman ng resthouse ay may dalawang kubo kung saan naglalagi ang drayber at ang nag-aalaga ng mga manok ng kuya ko. Sa tabi ng mga kubo ay mayroon uling bahay na may tatlong palapag: sa unang palapag ay dito tumatanggap ng mga bisita, sa ikalawang palapag ay ang kwarto ng kuya ko kung saan sila nanatili ng kanyang pamilya tuwing umuuwi sila roon, at sa ikatlong palapag ay inookupa ng tito namin, kapatid ng nanay ko na doon na rin nakapag-asawa. Sa sobrang lawak ng lugar, hindi na kami nagkikita sa loob.
Pero dahil tatlo sa aming magkakapatid ay narito na sa Maynila, madalas na walang tao roon kaya't napakatahimik at lungkot ng lugar. Hindi na kami magtataka kung bakit ang dalawang pamangkin kong edad dalawa at tatlo ay may mga nilalang na sila lamang ang nakakakita.
Gabi na nang makarating kami roon kahapon. Mabuti na lamang at naroon ang kuya ko at ang asawa't anak niya. Kahit paano'y may tao kaming nakikita. Pero iba talaga ang amoy lalo na't puro mga puno ang naroon. Amoy dama de noche kahit wala naman kami noon.
Kung hindi lang ako sinamahan, nuncang aakyat ako sa kwarto ko. Napakadilim sa taas at iyak lang ng mga kuting ang naririnig ko. Idagdag pa na nasa attic ang kwarto ko. Lalo pa akong natakot nang ikwento ng ate ko ang nakita ng pamangkin ko noong isang gabi sa resthouse. May sakit noon ang pamangkin ko at kailangang walang mintis sa pag-inom ng gamot. Gumising ng ala una ng madaling araw ang ate ko para painumin ito ng gamot. Nagtaka raw siya dahil matagal bago muling matulog ang pamangkin ko. Nang isarado na raw niya ang pinto ng kanilang kwarto'y biglang nagsalita ang pamangkin ko, tinatanong kung kaninong kamay raw iyong kanina pa nasa pinto. Nanindig raw ang balahibo ng ate ko at parang lumaki ang kanyang ulo. Sinabihan niya ang anak na wala naman daw tao at sinara na nga ang pinto. Pero bago tuluyang nakatulog muli ang pamangkin ko'y sinabi raw nito na mayroon daw tao at palakad-lakad daw ito sa kanilang kwarto. Kinabukasan raw ay iyon kaagad ang sinabi ng pamangkin ko. Sinabi nito na may taong nakasumbrerong itim at ang mukha raw nito'y puro itim. Nakatingin daw ito sa kanya at ang mga itim nitong kamay ay pilit siyang sinasama. Napakabata pa ng pamangkin ko para mag-imbento ng mga ganoong eksena.
Mag-aalas dose na nang umakyat kami sa kwarto ko upang matulog. Pero hindi namin inaasahan ang aming nakita: naroon, sa ilalim ng aking kama ang prenteng natutulog na pusa kasama ang dalawang kuting na mukhang ilang araw pa lang naipapanganak. Natakot ako nang kuhanin ang mga ito ng asawa ko at inilagay sa papag sa labas ng kwarto ko. Pakiramdam ko, hindi na akin ang kwartong iyon.
Dahil nakainom, naging madali para sa mister ko ang makatulog. Pero hindi sa akin. Natatakot pa rin ako at namamahay. Mag-aalas dos y medya na pero bukas pa rin ang telebisyon para lang maramdaman kong hindi ako nag-iisa. Pero hindi ko talaga maintindihan kung bakit pakiramdam ko'y may iba kaming kasama sa loob. Bahagya pa akong napakislot nang marinig ko ang mga yabag sa labas ng aking kwarto. Lumalangitngit ang kahoy sa labas ng kwarto dahil sa mga yabag. Mga mahihinang yabag. Pero alam ko, ako na lamang ang gising ng mga oras na iyon. Kung isa man sa mga magulang ko ang naglalakad, bakit hindi ko narinig ang pagbukas ng kanilang pinto? Kaming lima lang naman ang nasa itaas dahil natutulog sa kwarto sa baba ang isa ko pang kapatid kasama ng isang kasambahay. Humigpit ang yakap ko sa katabi kong nilalang. Hindi ko na alam kung paano ako nakatulog. Pero dinig na dinig ko ang tilaok ng manok nang magsimulang pumikit ang aking mga mata.

Sunday, March 1, 2009

Pangungulila

Humigit kumulang isang buwan na nang huli akong umuwi sa amin sa Pampanga. Naisipan kong magyayang umuwi dahil pakiramdam ko, kailangan kong umuwi. Kailangan kong makita ang ibang miyembro ng aming pamilya, ang mga pamangkin ko, mga kapatid ko, at siyempre, ang mga magulang ko. Pakiramdam ko, kung makikita ko sila, kahit sa ilang sandali, mapapawi ang kahungkagang nararamdaman ko, ang kalungkutang lumalamon sa akin. Na kahit paano'y madaragdagan ang aking lakas-- makita ko lang sila, sila na panghuhugutan ko ng dahilan para patuloy na lumaban, patuloy na kumapit sa kabila ng hirap.
Nakalulungkot na nandito na sa Maynila ang buhay ko. Sa tuwing humahalik sa mukha ko ang hanging probinsya, tila laging may lungkot ang bulong nito. Nanunuot sa bawat himaymay ko ang lamig ng pangungulila. Kung maaari ko lang ibalik, sana'y pinili ko na lamang makipagsapalaran sa kinalakihan kong probinsya. 'Di sana'y nakita kong lumaki ang mga kapatid ko, at nabigyan ko ng sigla ang bahay naming kung kailan lumaki, doon nawalan ng tumitira.