pasaKalye

Wednesday, January 21, 2009

Ang Pagninilaynilay ng isang Tambay (gaya ko)

Babala: 'Wag basahin kung ika'y may trabaho.

Sa mahigit na tatlong buwang kawalan ko ng trabaho (kusa akong umalis, hindi ako pinaalis), may ilang mga bagay (importante man o hindi) na napagtanto ko:

1. Sa una lang masaya dahil makakapagpahinga ka, makakapagpuyat ka nang hindi mo na kailangang gumising ng maaga, at pansamantala kang makakahinga nang maluwag dahil wala kang iisiping trabahong nakatambak.

2. Malaya kang makakapanood ng mga palabas sa Kapamilya channel, Qtv network, Lifestyle network at pati na rin Cartoon network nang ano mang oras mong naisin hanggang sa ikaw na mismo ang sumuko-- tipong gusto mo na lang ipatanggal ang skycable ninyo.

3. Magkakaroon ka ng katiting na social life. Siyempre sa una maeengganyo ka pang lumabas lalo na 'pag nakuha mo na ang back pay mo. Pero sa huli, mas nanaisin mo na lang mag-ala mongha dahil manghihinayang gumastos sa kakarampot na natira sa ipon mo. (Nakakahiya namang humingi ka pa sa mga magulang mo.)

4. Kung kailan kare-resign mo lang, saka naman tatawag sa 'yo ang mga employer na hindi mo naman pinasahan pa ng resume (dahil wala ka pa ngang balak mag-apply). Pero kung kailan handa ka nang magtrabaho ulit, at pinamudmod mo na ang resume mo, saka naman tila nilalayuan ka ng trabaho. Dahil doon, maiisip mo ang mga pinalampas mong pagkakataon at tuloy mababaliw ka sa panghihinayang.

Marami pa 'kong baon na reyalisasyon. Pero sa ngayon, ang mga nasa itaas ang ibabahagi ko muna.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home