Pagtanggi kay Poseidon
Masayang humalik sa aking mga pisngi ang hanging hatid ng malawak na karagatan sa Olongapo. Tila sabay-sabay na nagpakitang-gilas sa aking harapan ang mga alon na walang tigil sa pag-indak sa saliw ng malikot na pagaspas ng hanging habagat. At unti-unti, lumukob sa aking kaibuturan ang walang-pagsadlang takot na tila ba ako'y unti-unting dinadala sa palasyo ni Poseidon sa pusod ng dagat.
Nagkayayaan kami ng dalawa kong kaibigan kasama ng aking kabiyak na mamasyal sa Olongapo. Nagkasundo kaming apat na tumawid sa kabilang isla gamit ang isang bangka. Nakasakay na 'ko dati sa barko pero hindi sa isang makipot na bangka na karaniwang ginagamit ng mga mangingisda. Nang makita ko ang bangka, ginapangan ako ng matinding takot. Noon ko lang naramdaman ang ibayong takot sa dagat na akala ko'y wala ako. Nagtalo ang aking isip. Naroon iyong gusto kong maranasang pumunta sa isla sakay ng bangka pero naroon din sa dibdib ko ang matinding tensyon na nakapagpanginig sa akin nang husto. Umayaw ako pero napilit din ako ng mga kaibigan ko pati na rin ng asawa ko.
Akala ko kaya kong labanan ang takot. Na kaya kong paunlakan si Poseidon at bisitahin siya sa kanyang kaharian. Hindi pala. Wala pala akong kwentang bisita.
Nang paupuin ako sa makipot na bangka, saka naman parang gustong makipaglaro sa akin ng mga makukulit na alon. Lalo akong natakot at nagsimulang manigas ang mga kalamnan. Unti-unti, lumalakas na ang pakiusap ko sa aking mga kasama na ipatigil na ang bangka at bumalik na kami sa pampang. Hanggang ang pakiusap ko'y naging naghuhumiyaw na sigaw at pagmamakaawa. Humalo ang pagtangis ko sa nakabibinging tunog ng motor ng bangka. Pinangangapusan na 'ko ng hininga at parang hinahabol ng mga pating ang tibok ng aking puso. Niyakap ako ng aking asawa dahil nagwawala na ako. Hindi lang mga kaibigan ko ang nabahala kundi maging ang mga nagpapaandar ng bangka. Akala ko malalagutan na 'ko ng hininga hanggang sa makabalik kami sa pampang. Nanginginig pa rin ang buo kong katawan. Halos buhatin na ako ng aking asawa mula sa kinauupuan kong bangka. At doon lang ako nahimasmasan.
Doon ko lang napagtanto na may matindi pala akong takot sa dagat habang sakay ng maliit na bangka. Noon ko lang din kasi nasubukang halos mahalikan ko na ito sa lapit habang nasisilip ko ang kalaliman nito. Nakakatakot ang pakiramdam na manipis na kahoy lang ang pagitan ko sa napakalawak na karagatan. Hanggang ngayon, nasa dibdib ko pa rin ang takot. Para kasing nakikita ko pa rin ang aking sarili na nasa gitna ng dagat, mag-isa at pilit na pinapapasok ni Poseidon sa kanyang kaharian. Pero hindi niya ko mapipilit. Hindi ko alam kung hanggang kailan mananatili sa akin ang takot ko sa tuwing nalalapit ako sa dagat. Pero sa ngayon, nasisiguro kong mamamatay muna ako bago ako tuluyang makuha ni Poseidon.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home