pasaKalye

Friday, January 23, 2009

Usapang kalyo

Ang mga kamay kapag nasobrahan sa trabaho nagkakakalyo. Gayundin ang mga paa, kapag nasobrahan sa lakad, nagkakakalyo rin.

Ang puso kaya kapag nasobrahan sa sakit, nagkakalyo rin? Iyong tipong ‘singkapal ng aspalto sa highway ang kalyo nito kaya’t kahit ilang beses itong masaktan hindi na nito mararamdaman ang nakalalapnos na pasakit na hatid ng bulok na sistema ng pag-ibig?

Oo, hindi lang si Pulitika, Hustisya, at Gobyerno ang may bulok na sistema. Kahit si Pag-ibig. Siguro marami ang magtataas ng kilay sa binanggit ko. Hindi naman perpekto si Pag-ibig. Ang konsepto nito ang perpekto pero nagiging bulok ang sistema nito dahil na rin sa tao o mga taong mali ang pamamaraan pagdating sa pagmamahal.

Ang sabi ng ilan sa mga manunulat, ang puso raw ang pinakamainam na pagkuhanan ng mga magagandang bagay na pwedeng isa-tinta. Siguro nga. Dahil naglipana ang mga librong tampok ay mga istorya ng pag-ibig. Pero karamihan sa mga ito ay puno ng ideyalismo. Malayo sa reyalidad dahil wala namang totoong ‘happy ending’ ika nga sa mga fairytales. Kung tutuusin, sino namang sira ang tuktok na nanaising lagyan ng tuldok ang isang masayang pangyayari?

Tungkol naman sa pagkakaroon ng kalyo ng puso, hindi ko alam. Ayokong maging corny at magpaka-senti. Sana nga, nagkakaroon na lang ito ng kalyo. Para kahit ilang beses itong malapirot sa mga relasyong kinasusuungan nito, hindi na nito mararamdaman ang sakit. Hanggang sa kumapal ang kalyo nito’t matanggal na ang makapal na balat. Nang sa gayon, may maisusukli pa itong pagmamahal sakaling ambunan ito ng isang pagmamahal na may respeto—isang pagmamahal na makapagbibigay sa ‘yo ng tiwala at respeto sa sarili.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home