Paranoia atbp.
Hindi ako fan ni Angel Locsin pero inabangan ko ang Maalaala Mo Kaya kanina. Sa trailer pa lang, nakuha na ang atensiyon ko. Parang maganda ang istorya kaya't pagdating ko sa bahay galing sa eskwela, hindi ko na nakuhang magpalit pa ng damit pambahay dahil diretso na kong humarap sa telebisyon.
Napakaganda ng istorya idagdag pa ang galing sa pag-arte nina Angel at Dimples Romana. Pamilyar sa akin ang takbo ng istorya at parang nakikita ko sa papel na ginagampanan ni Angel ang sarili ko. Hindi ko masasabing matayog ang pangarap ko. Noong bata ako, hindi ko hinangad ang makapunta sa iba't ibang bansa, o yumaman. Sapat na sa akin ang magkaroon ng disenteng trabaho, ng sariling bahay at sasakyan. Basta ang importante, masaya at kumpleto ang aking pamilya. Iyon lang. Naalala ko pa nga, nasabi ko noon na ang pangarap ko'y maging isang 'katulong', isang 'kasambahay'. Bakit hindi? Sa tingin ko noon, parang napakadali lang ng trabaho nila-- nasa bahay lang, maglalaba, plantsa, luto, linis ng bahay. Noon iyon. Napakasimple lang ng pangarap ko. Iyon lang.
Pero nagbabago ang mga pangarap. Lalo na kung uhaw ka sa papuri ng isang magulang. Noon, malimit na napapalo ako sa sandok ng nanay ko dahil laging itlog ang nakukuha kong marka. Minsan, narinig ko rin ang isang guro kong nagsabing nasa kanya lahat ang mga 'bopol' niyang estudyante. Siyempre, estudyante niya ako kaya't kasama ako sa mga iyon.
Siguro, doon ako nag-umpisang mangarap. Sinimulan ko sa aking pag-aaral. Hindi ako maganda tulad ng ate ko kaya dinaan ko na lang sa utak. Hindi naman ako nabigo dahil kahit mahirap, ang minsang tinawag na 'bopol' ang nakapagtapos ng salutatorian noong elementary. At kahit sa high school, pinilit kong mapabilang sa 'star section'. Lahat ng iyon, ginawa ko para sa aking pangarap. Ang mapansin ng mga magulang ko at maipagmalaki.
Pero napakahirap pala. Mahirap iyong bukambibig nila na ikaw ang matalino, na ikaw ang may utak sa pamilya. Mahirap iyong naiiba ang pangarap mo dahil sa pangarap nila para sa iyo. Hindi ako naging masaya sa kolehiyo dahil pinilit kong bigyan ng medalya ang mga magulang ko.
Cum Laude. UST.
Hindi ko kailanman naisip na mararating ko iyon. Pero kung pwede lang ibalik ang karangalang iyon, kapalit ng isang maganda at kontentong buhay, noon ko pa sana ginawa iyon.
Mahirap ang mabuhay sa ekspektasyon ng iyong mga magulang. Mahirap pantayan ang inaasam nilang mararating mo sa buhay.
Nasaan ako ngayon?
Sa edad kong ito, masasabi kong wala pa akong nararating sa mga pangarap ko. Hindi garantiya na ang makatapos ka ng may bitbit ng medalya galing sa isang magandang unibersidad ay magtatagumpay ka na sa buhay.
Isa iyong malaking kalokohan. Palamuti lamang ang mga iyon.
Ang karakter ni Angel sa MMK kanina, isa syang UP graduate, Summa Cum Laude.
Pero narating ba niya ang kanyang mga pangarap? Hindi.
Nakalulungkot ang kinasadlakan niya. Walang trabahong tumanggap sa kanya sa kabila ng galing niya. Sa bandang huli, para lang masabi na may nangyari sa buhay niya, namasukan siya sa mga patay-sinding ilaw. Isa siyang taga-aliw. Pampalipas-oras.
Namatay ang tatay niyang hindi man lang niya nabigyan ng magandang buhay. Namatay ito nang hindi niya nararating ang kanyang mga pangarap. Hindi niya nakaya ang kabiguan. At ang ipinagmamalaki niyang talino'y dinala ng hangin, bitbit ang kanyang bait.
Sabi nila, nakababaliw daw ang kasobrahan sa talino ng isang tao.
Hindi ko sinasabing matalino ako. Pero natakot ako para sa sarili ko.
Ayokong matulad sa karakter ni Angel sa MMK.
Ayokong mabaliw dahil sa kabiguan. Gusto ko, maghirap man ako, naroroon pa rin sa akin ang paninindigan. At dignidad.
Minsan, gusto kong maniwala na ang tao ang gumagawa ng kanyang tadhana. Na nasa abilidad ng isang tao nakasalalay ang katuparan ng kanyang pangarap. Pero bakit ganoon? Minsan, ibuhos mo man ang lahat, kulang pa rin. Hindi kaya, traydor ang tadhana?

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home