pasaKalye

Friday, February 20, 2009

Pasaporteng nasa ere

Nakakainis talaga. Kapag nga naman tinamaan ka ng malas, sunud-sunod. Hindi ko alam kung nananadya ang panahon o sadyang mailap lang talaga sa akin ang swerte. Naisip ko tuloy, ganun na ba ako kawalang-hiya na sa nuknukan kong sama ay pinarurusahan na ako ng kung anumang elemento?

Noong Lunes, pumunta kami sa DFA para i-update ang passport ko. Alam ko namang naiba na ang passport ngayon, hi-tech, computer-readable na raw ang siste. Kung hindi ba naman ako isa't kalahating shunga-shunga, hindi ko naisip na kailangan nga pala ng panibagong picture. Hindi tulad dati na puti ang background, ngayon ay 'royal blue' na. Eh malay ko ba? Kaya ayun, daig ko pa ang na-hold up sa P150.00 na picture. Putik talaga! Mantakin mo 'yon? Eh dito sa 'min, otsenta lang, maganda pa as in kahit hindi ka maganda sa totoong buhay eh mapapaganda ka! *wonders of photography* nga eh.

Siyempre, dahil napasubo na 'ko, nakuha ko rin ang 'appointment number' ko. Pero tinamaan talaga ng lintik, biruin mong Biyernes pa ako pinababalik ng alas dos ng hapon kasama na ang mga requirements. Nakakainis talaga! Pero ano naman ang magagawa ko? Hindi ko hawak ang batas para utusan silang magmanikluhod sa akin at pagsilbihan nila ako ora mismo! Eh 'di siyempre, naghintay ako ng apat na raw hanggang eto na nga, Biyernes na.

Excited pa ang lola mo, akala ko kasi, mapa-process na ang passport ko dahil plano ko ngang magdadagdag na lang ako para makuha ko sa loob ng pitong araw. Nakipila-pila pa ko't lahat pagdating ko naman sa dakilang bintana kung saan iaabot ko sa napaka-ewan na kawani, saka ako sasabihan na, NSO copy ng marriage certificate ang kailangan ko, hindi ito. Putik talaga! Gusto kong sabihing, "Hoy, sinabi nung nagbigay ng appointment sa 'kin na pwede na ung original copy ng m.c. ko na galing ng munisipyo! Pinaghintay niyo ko ng ilang araw sana sinabi niyo kaagad para nakuha ko ito!" Hay! Anak ng tokwa silang lahat! Pero siyempre, wala ako sa teritoryo ko para sabihin iyon. Saka baka buweltahan pa niya akong hindi ako nagbabasa ng instructions sa likod nung form. Naturalmente binasa ko iyon kaya nga tinanong ko dun sa isang empleyado kung pwede na ung sa munisipyo, at umoo naman ito.

Nakakainis talaga! Sobrang nasayang ang araw ko. Imbes na nakagawa ako ng mga dapat kong gawin, nilamon lang ng walang kwentang ewan ang oras ko. Hay. Kung pwede nga lang... Sana mayroon na lang akong kakayahang mapagalaw ang mga bagay sa paligid gamit lang ng isip. Para kapag nainis ako, pwede kong gawan ng kaunting mahika ang mga kinaiinisan ko. Pero siyempre, alam kong karimarimarim 'yon. Kaya nga kung sinuman ang mga nang-aapi sa akin, ipinauubaya ko na lang sa karma ang lahat.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home