Ibang klaseng diskriminasyon
Naakit akong magbasa ng isang disenteng tabloid kanina nang mapasadahan ko ng tingin ang isang kakaibang balita.
Madalas na kapag napag-uusapan ang diskriminasyon, lahi kaagad ang unang pumapasok sa ating isip: itim kontra puti; oriental kontra kanluran. Minsan nariyan din ang estado sa buhay, ang taas ng pinag-aralan, pati na ang eskwelahang pinapasukan. Siyempre pa, hindi rin pahuhuli ang itsura: maganda kontra pangit, matangkad kontra pandak, at mataba kontra payat.
Pero kanina, nagulat ako sa isang balita sa China. Dahil mga bata, madalas na hindi natin maiiwasan ang tuksuhan ng mga ito sa eskwelahan. Katulad ng nagbasa ko kanina, isang labinlimang taong gulang na mag-aaral na sobra-sobra ang timbang ang madalas na tampulan ng tukso. Pero imbes na pagbawalan ng mga guro at administrador ng eskwelahan ang mga lokong estudyanteng nanunukso, minabuti pa nilang paalisin o i-kickout ang kawawang matabang estudyante. Kung makapagrason ang mga ito, tila wala silang pinag-aralan. Napakabaluktot ng rason nila na para wala ng tuksuhin ang mga bata, nararapat lamang na alisin ang pinanggagalingan ng tukso. Imbes na makisimpatiya sa matabang mag-aaral at ituro ang tamang pakikipagkapwa-tao sa mga alaskador na estudyante, tila naging pasimuno pa ang paaralang iyon sa China. Paano matututo ng wastong ugali ang mga nasasakupan ng mga ito kung mismong sila'y mapangmata?
Sa loob ng dalawampu't tatlo kong pamumuhay, ngayon lang ako nakarinig ng ganoon. Madalas ng ang pinatatalsik sa mga eskwelahan ay ang mga basagulero, walang hilig sa pag-aaral, o yung mga nahuhuling gumagawa ng ka-imoralan at siyempre, kagaguhan. Pero sa China, iba ang trip nila. Mabuti na lang, swerte akong ipinanganak dito sa Pilipinas dahil kahit paano, karamihan sa mga Pilipino'y marunong din namang makipagkapwa-tao.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home