Isang Tulambuhay
Hindi niya kamukha
si Paraluman
Mata niya’y ‘di kasingbilog ng buwan
Ilong niya’y ‘di kataasan
Labi niya’y tila
malalaglag kapag kuwan
Ngiti niya’y tumatabingi kung minsan
Taas niya’y kalahati ng kawayan
Katawan niya’y walang kurbang masisilayan
Ngunit siya’y may angking kagandahan—
Gandang hindi mabubura ng katandaan.
Nang ipanganak ang Ate ko, kinuha na yata niya ang lahat ng magagandang pisikal na katangian ni Nanay at Tatay kaya pagdating sa akin, hindi na kataka-takang maubusan ako. Bilugang mata na kakulay ng bagong pitas na chico, may mahahabang pilik na animo palaging binabaluktot, ang tangos ng ilong ay parang nililok ng isang mahusay na iskulptor, ang mga labi’y maihahalintulad kay Monalisa kung ngumiti, idagdag pa na balingkinitan ang katawan niya— mga katangiang pinakyaw ng Ate ko.
Kung may estrangherong makakakita sa ‘ming magkasama, hindi nito aakalaing magkapatid kami. Ibang-iba ang itsura namin sa isa’t isa. Kabaligtaran ng kanya ang mga katangian ko. Siguro kung mayroon mang isang magandang katangiang masasabi kong taglay ko na wala siya, iyon ay ang mala-gatas kong puti. Pero sa dami nang naglipanang produktong pampaputi ngayon, hindi na ako magugulat kung isang araw ay magkasing-kulay na kami ni Ate. O baka mas maputi pa siya sa akin.
Hindi madaling lumaki na may kapatid na gaya niyang ubod ng ganda. Kumbaga sa tula, siya iyong tipong may sukat at tugma, pinag-isipang mabuti at ginawa nang buong husay at tiyaga. Samantalang kung lilimiin ko ang aking sarili, maihahambing ko ito sa isang malayang taludturan— tipong pwede na, kahit ano na lang.
Lumaki akong naririnig ang ilang kamag-anak namin na nagsasabing higit na maganda ang Ate ko kaysa sa ‘kin. Wala naman akong tutol do’n dahil iyon ang totoo. Iilang Santacruzan na ba ang nilahukan niya? Iilang titulo ng kagandahan na ba ang hinakot niya simula pagkabata? Ayos lang sa ‘kin ‘yon dahil kapatid ko naman siya. Pero kapag sinasabihan akong “maganda ka sana pero…napabayaan sa kusina” totoong naiinis ako. O mas tamang sumasama ang loob ko. Tipong gusto kong gamitin ang laki ng aking katawan para manahimik na lang sila. Iilan na rin ba ang nagbansag sa ‘kin ng dabyana, baboy, at tabachoy? Hindi ko na mabilang. Sa tuwing binibiro ako nang ganon, nakikitawa ako. Pero yung tawang hindi umaabot sa mata.
Kaya lang, iba pala kapag magulang mo na ang nasa usapan. Siguro talagang gano’n. Hindi maiiwasan ng isang magulang na may papaburan sa mga anak. Pilitin man niyang ikubli iyon o tahasan man niyang itangging wala siyang paborito, kita iyon sa mga kilos niya. Gaya ni Nanay. Sa tuwing galing ito sa palengke, hindi pwedeng wala siyang dalang kahit ano para sa Ate ko— blusang bagay sa kanya, paldang lalong magpapakita ng kanyang kurba o dili kaya’y bag na bagay na bagay ang istilo sa kanya. Kapag gano’n, tahimik lang naman akong nakamasid sa mga pinamili ni Nanay para sa kanya. Wala naman akong hilig sa mga gano’n o siguro dahil alam ko sa aking sariling hindi bagay sa akin ang mga iyon. Isang pirasong tsokolate o cheesebread lang naman ang habol ko kay Nanay. Minsan natatawa pa nga ako sa kanya kapag titingin siya sa akin at sasabihing “pasensiya ka na. Hindi kita nabili. Hindi ko kasi alam kung anong gusto mo”. Hindi ba’t totoo namang nakakatawa? Nanay ko siya pero hindi niya alam kung ano ang gusto’t ayaw ko? O siguro isang propaganda lang ang napapanood ko sa patalastas sa telebisyon na nagsasabing Mothers know best.
Hindi nga siguro talaga ako kilala ni Nanay. Naalala ko noong minsa’y bumili siya ng tela para sa aming dalawa ni Ate para ipatahing bestida. Magkaiba ang kulay pati ang disenyo. Ang isa’y mapusyaw na rosas ang kulay at may disenyong maliliit na puting bulaklak samantalang ang ikalawa’y kulay krema at may disenyong malalaking bulaklak na kulay pula. Para sa akin daw ang ikalawa na buong igting kong tinanggihan. Naalala ko, umiyak pa ‘ko noon at nagkulong sa kwarto. Ayoko ang telang binibigay sa akin ni Nanay. Para sa aki’y pangit iyon at masyadong magarbo ang disenyo. Mas gusto ko ‘yong kulay rosas dahil paborito ko ang kulay na ‘yon. Isa pa simple lang ang disenyo nito. Pero pilit na ipinagpipilitan ni Nanay na mas bagay sa ‘kin ang telang napili niya. Kalahating araw yata akong nagkulong sa kwarto. Lumabas lang ako nang sabihin ni Nanay na sa akin na ‘yong telang nagustuhan ko.
Nangarap din naman akong masali sa Santacruzan, maging musa sa eskwelahan, o kaya’y umakyat sa entablado habang inirarampa ang aking kagandahan. Kaya nga nang manalo ang Ate ko sa isang patimpalak, hindi ako nahiyang kunin ang takip ng aming telebisyon at ibinalabal sa aking katawan upang magmistulang aking gown. Pagkatapos ay hiniram ko sa kanya ang kanyang sash, bulaklak, at tropeo. Pakiramdam ko, daig ko pa ang kinoronahan. Sa katuwaan ni Nanay, kinuhanan niya ako ng larawan. Sa tuwing nakikita ko ang larawang iyon, hindi pwedeng hindi ako mapangiti. Taglay ng larawang iyon ang isang pangarap ng aking kamusmusan na hindi na kailanman magkakaron pa nang katuparan.
Hindi ko naman kayang ipaubaya ang aking mukha sa siyensiya. Kahit pa tila may mahika ang kamay ni doktora, mas nanaisin ko pa rin ang natural na ganda. Isa pa habang ako’y tumatanda, nalaman kong isang palamuti lang ang pisikal na ganda. Darating ang panahon na mawawala iyon gaya ng sariwang bulaklak na unti-unting nauubusan ng bango at nalalagas ang mga talulot nito.
May mga panahong umakyat din naman ako sa entablado. Hindi para koronahan kundi para bigyang pansin ang pagsisikap ko sa aking pag-aaral— isang kagandahang habang tumatagal ay lalong nahahasa.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home