pasaKalye

Monday, March 2, 2009

Estranghero sa sariling kwarto

Ang sabi ng karamihan, kapag daw madalas walang tao sa isang bahay o isang kwarto ng bahay, pinamamahayan ito ng iba't ibang elemento lalo na kung madalas, tahimik dito.
Iyon ang dahilan kung bakit takot akong matulog sa sarili kong kwarto, idagdag pa na napakalaki nito para sa dalawang tao. Masasabing malaki ang bahay namin sa probinsya lalo na ngayong limang katao lang ang naroon sa dalawang palapag na bahay--ang nanay at tatay ko kasama ng bunso namin, at ang ikalawang bunso na dahil walang kasamang matulog sa sariling kwarto ay nakikitulog sa kwarto ng aming kasambahay, pwera na lang kung naroon ang mga pinsan namin.
Nagmumukha na ngang 'haunted house' ito lalo na ito lang ang mataas na bahay na nakatayo sa parteng iyon ng subdivision. Lumawak pa ito nang padagdagan ng resthouse sa tabi ng pinakabahay namin at dito nakatira ang ate ko at ang pamilya niya. Sa katabi naman ng resthouse ay may dalawang kubo kung saan naglalagi ang drayber at ang nag-aalaga ng mga manok ng kuya ko. Sa tabi ng mga kubo ay mayroon uling bahay na may tatlong palapag: sa unang palapag ay dito tumatanggap ng mga bisita, sa ikalawang palapag ay ang kwarto ng kuya ko kung saan sila nanatili ng kanyang pamilya tuwing umuuwi sila roon, at sa ikatlong palapag ay inookupa ng tito namin, kapatid ng nanay ko na doon na rin nakapag-asawa. Sa sobrang lawak ng lugar, hindi na kami nagkikita sa loob.
Pero dahil tatlo sa aming magkakapatid ay narito na sa Maynila, madalas na walang tao roon kaya't napakatahimik at lungkot ng lugar. Hindi na kami magtataka kung bakit ang dalawang pamangkin kong edad dalawa at tatlo ay may mga nilalang na sila lamang ang nakakakita.
Gabi na nang makarating kami roon kahapon. Mabuti na lamang at naroon ang kuya ko at ang asawa't anak niya. Kahit paano'y may tao kaming nakikita. Pero iba talaga ang amoy lalo na't puro mga puno ang naroon. Amoy dama de noche kahit wala naman kami noon.
Kung hindi lang ako sinamahan, nuncang aakyat ako sa kwarto ko. Napakadilim sa taas at iyak lang ng mga kuting ang naririnig ko. Idagdag pa na nasa attic ang kwarto ko. Lalo pa akong natakot nang ikwento ng ate ko ang nakita ng pamangkin ko noong isang gabi sa resthouse. May sakit noon ang pamangkin ko at kailangang walang mintis sa pag-inom ng gamot. Gumising ng ala una ng madaling araw ang ate ko para painumin ito ng gamot. Nagtaka raw siya dahil matagal bago muling matulog ang pamangkin ko. Nang isarado na raw niya ang pinto ng kanilang kwarto'y biglang nagsalita ang pamangkin ko, tinatanong kung kaninong kamay raw iyong kanina pa nasa pinto. Nanindig raw ang balahibo ng ate ko at parang lumaki ang kanyang ulo. Sinabihan niya ang anak na wala naman daw tao at sinara na nga ang pinto. Pero bago tuluyang nakatulog muli ang pamangkin ko'y sinabi raw nito na mayroon daw tao at palakad-lakad daw ito sa kanilang kwarto. Kinabukasan raw ay iyon kaagad ang sinabi ng pamangkin ko. Sinabi nito na may taong nakasumbrerong itim at ang mukha raw nito'y puro itim. Nakatingin daw ito sa kanya at ang mga itim nitong kamay ay pilit siyang sinasama. Napakabata pa ng pamangkin ko para mag-imbento ng mga ganoong eksena.
Mag-aalas dose na nang umakyat kami sa kwarto ko upang matulog. Pero hindi namin inaasahan ang aming nakita: naroon, sa ilalim ng aking kama ang prenteng natutulog na pusa kasama ang dalawang kuting na mukhang ilang araw pa lang naipapanganak. Natakot ako nang kuhanin ang mga ito ng asawa ko at inilagay sa papag sa labas ng kwarto ko. Pakiramdam ko, hindi na akin ang kwartong iyon.
Dahil nakainom, naging madali para sa mister ko ang makatulog. Pero hindi sa akin. Natatakot pa rin ako at namamahay. Mag-aalas dos y medya na pero bukas pa rin ang telebisyon para lang maramdaman kong hindi ako nag-iisa. Pero hindi ko talaga maintindihan kung bakit pakiramdam ko'y may iba kaming kasama sa loob. Bahagya pa akong napakislot nang marinig ko ang mga yabag sa labas ng aking kwarto. Lumalangitngit ang kahoy sa labas ng kwarto dahil sa mga yabag. Mga mahihinang yabag. Pero alam ko, ako na lamang ang gising ng mga oras na iyon. Kung isa man sa mga magulang ko ang naglalakad, bakit hindi ko narinig ang pagbukas ng kanilang pinto? Kaming lima lang naman ang nasa itaas dahil natutulog sa kwarto sa baba ang isa ko pang kapatid kasama ng isang kasambahay. Humigpit ang yakap ko sa katabi kong nilalang. Hindi ko na alam kung paano ako nakatulog. Pero dinig na dinig ko ang tilaok ng manok nang magsimulang pumikit ang aking mga mata.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home