Pangungulila
Humigit kumulang isang buwan na nang huli akong umuwi sa amin sa Pampanga. Naisipan kong magyayang umuwi dahil pakiramdam ko, kailangan kong umuwi. Kailangan kong makita ang ibang miyembro ng aming pamilya, ang mga pamangkin ko, mga kapatid ko, at siyempre, ang mga magulang ko. Pakiramdam ko, kung makikita ko sila, kahit sa ilang sandali, mapapawi ang kahungkagang nararamdaman ko, ang kalungkutang lumalamon sa akin. Na kahit paano'y madaragdagan ang aking lakas-- makita ko lang sila, sila na panghuhugutan ko ng dahilan para patuloy na lumaban, patuloy na kumapit sa kabila ng hirap.
Nakalulungkot na nandito na sa Maynila ang buhay ko. Sa tuwing humahalik sa mukha ko ang hanging probinsya, tila laging may lungkot ang bulong nito. Nanunuot sa bawat himaymay ko ang lamig ng pangungulila. Kung maaari ko lang ibalik, sana'y pinili ko na lamang makipagsapalaran sa kinalakihan kong probinsya. 'Di sana'y nakita kong lumaki ang mga kapatid ko, at nabigyan ko ng sigla ang bahay naming kung kailan lumaki, doon nawalan ng tumitira.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home