Adik ako!
Sa tuwing napapagawi ang tingin ko sa istante ng aking mga libro, hindi ko mapigilan ang mapailing. Nakasalansan ang mga libro ko ayon sa uri. At napapailing ako dahil malaking espasyo ang inookupa ng mga Tagalog pocket books.
Inaamin kong dito ako nagsimula. Ang mga Tagalog pocket books na nabibili sa halagang 35 pesos ay kinahiligan ko nang basahin simula pa noong nasa elementarya ako. Ang pinsan ko ang nagpakilala sa akin sa ganitong uri ng mga libro noong nagbakasyon ako sa kanila. At dahil nga hindi ako ang tipo ng taong palalabas, lalo akong naengganyo sa pagkukulong sa kwarto dahil sa pagbabasa ng mga ito.
Nalaman ko ring mahilig magbasa ng ganito ang aming mga kasambahay. Madalas ngang maghiram ako sa kanila noon. At sa tuwing nagpupunta kami sa palengke, doon na 'ko natutong bumili ng mga ito.
Dinala ko na ang hilig ko sa pagbabasa ng mga Tagalog pocket books hanggang ngayon. Iyon nga lang, unti-unti na 'tong nababawasan. Kailangan ko rin kasing magbasa ng ibang libro. At gusto ko rin naman talagang magbasa ng kahit anong libro.
Hindi ko naman ikinahihiya ang pagkahilig ko sa mga ito. Katunayan, kalahati siguro sa library ko'y puro ganito ang laman. Isa pa, nakapagsulat na rin ako ng ganito na nagustuhan ng isang publisher. Siguro nga, jologs ako. Ang sabi nga ng iba, 'bakya' raw ang mga ganitong uri ng babasahin. Minsan nga'y pinagtatalunan pa kung literatura nga bang masasabi ang mga romance novel na nasulat sa Tagalog. Eh ano ngayon? Jologs na kung jologs, bakya na kung bakya. Eh bakit ang mga romance novel sa Ingles iba ang pagtanggap sa mga ito? Dahil ba Ingles ang mga ito kaya maituturing na itong 'literature'?
Siguro, isang dahilan kung bakit ko gustong-gusto ang pagbabasa ng mga Tagalog pocket books ay dahil nagbibigay ito ng pag-asa sa mga mambabasa. Abot din nito ang masa kaya't kahit gaano kahirap ang buhay tulad ng mga karakter sa mga librong ito, nakukuha pa rin nilang lumaban gaya ng mga bida sa mga libro. Natutuwa nga ako sa tuwing nakakakita ako ng mga nagbabasa ng Tagalog pocket books kahit na nasa dyip pa. At kailan ko lang nalaman na hindi lang pala para sa mga kababaihan ang mga Tagalog pocket books. Pati kasi ang mga asawa ng mga kasambahay namin ay mahilig palang magbasa ng mga ito.
Marahil, hindi ko na maiaalis sa akin ang pagbabasa ng mga ito at paminsan-minsa'y pagsusulat. Hindi naman ako nahihiya. At hinding-hindi ko ito ikakahiya dahil malaki ang naitulong ng mga ito sa akin sa patuloy kong paghubog sa aking sarili bilang isang manunulat.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home