Doble Cara
Wala sa hinagap kong magsulat ng erotika. Pero unti-unti, may isang parte ng aking pagkatao na kanina ko lang nakilala na kaya palang humabi ng ganoong klase ng literatura.
Isa iyong katotohanang hindi ko alam kung paano tanggapin. Wala sa personalidad ko ang pagiging sensuwal. Pero base sa naging reaksyon ng mga kaklase ko sa workshop sa tula kanina kay Dr. Marj, iba ang naging pagbasa nila sa aking tula. Inaamin kong sobra ang hiya ko kanina. Nahihiya ako dahil baka isipin nilang bastos ang tula ko o ang mas ikanatatakot ko, isang pornograpiya. Mabuti na lamang, malalawak ang pang-unawa ng mga ito. At nang sabihin ko nga kung ano ang gusto kong ipahiwatig sa aking tula, lubusan nilang tinanggap ito na aking ikinatuwa.
Ang payo sa akin ni Dr. Marj, kailangan ko na raw lumabas sa mga tula kong tila lagi na lang nagtuturo. May isang persona sa akin na nais kumawala at hindi ko ito kailangang ikahiya. Nais rin ng buong klase, at pati na rin mismo ni Dr. Marj na isulat kong muli ang aking tula nang hindi nahihiyang mapabilang ito sa mundo ng erotikang literatura. Nabuhayan ang aking loob at inaamin kong malaking bagay sa akin ang paniniwala ng aking mga kaklase at ng aking mismong guro na kaya kong pumasok sa isang mundong ngayon ko lang kikilalanin. Nadagdagan din kahit paano ang kumpiyansa ko sa aking sarili nang sabihin ni Dr. Marj na maraming mga sikat at magagaling na manunula ang sumulat ng erotikang tula gaya nina Sappho at Denise Levertov. Ngayon, ang kanilang mga tula ang aking kaulayaw-- makikipagniig ang utak ko sa bawat letrang bumubuo sa mga salitang pinili nilang ipanganak ng kanilang mga likhang magiging batayan ng isang hamak na manunulat na gaya ko.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home