Hello, Banker
Isang linggo na ang nakararaan nang mag-text ako sa Kapamilya, Deal or No Deal. Oo, isa ako sa milyung-milyung Pilipino na umaasa sa suwerteng hatid ng mga game shows. Sa panahon ba naman ngayon na halos ilibing na ang bansa sa putik na kay tagal din nitong kinasadlakan, lahat na siguro ng pwedeng salihan sasalihan ng bawat Pilipinong ang ninanais lamang ay guminha ang buhay.
Hindi ko inasahan na makalipas lang ng pitong araw ay magkakaroon na 'ko ng tsansang maging milyonaryo. Noong una, akala ko hindi totoo ang text message na natanggap ko. Uso rin kasi ang scam sa text. Kaya kahit desperada na 'ko, sinigurado ko pa ring totoo ang natanggap ko. Tinawagan ko ang tanggapan ng nasabing programa at totoo ngang kasama ako sa napili. Kung tutuusin, sobrang suwerte ko na dahil computer ang pumipili ng mga posibleng maglalaro sa game show.
Kaninang alas nuwebe ng umaga ang pre-screening. Dumating ako sa Abs-Cbn nang eksaktong alas nuwebe. Akala ko, kakaunti lang kami. Mahaba-haba rin ang pinila ko. Dalawang oras din akong naghintay habang tinitiis ang hapdi ng hagupit ng sikat ng araw. Pero maano nang umitim nang kaunti kung kapalit naman nito'y pag-asang maging kalahok ka sa programang magsasalba sa 'yo sa hirap?
Sa kasamaang palad, hindi ako nakapasa. Sa totoo lang, hindi ko alam ang naging pakiramdam ko kanina. Noong nakapila ako at tahimik na napagmasdan ang bawat taong nagtitiis na pumila roon, isa lang ang pumasok sa isip ko: kalat na kalat na ang kanser ng bayan-- ang kahirapan.
Lahat kaming nakapila roon ay may kanya-kanyang kwento ng kahirapan. Iisa lang naman ang dahilan ng bawat isa sa amin kaya sumali roon. Lahat kami'y nagbabaka-sakaling suwertihin nang matapos na lahat ang problemang pangpinansiyal.Siguro, kung makikita lang ng bawat opisyal na komportableng nakaupo sa Malacañang ang pilang daig pa ng mga pumipila sa trabaho, baka sakaling makuha nilang tumayo saglit sa kanilang komportableng buhay. Pero hindi ko lang alam. Dahil marahil, masyado ngang makapal ang sementong nakapalibot sa Palasyo kaya't hinding-hindi nila maririnig ang hinagpis ng bawat mamamayang Pilipino.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home