pasaKalye

Monday, February 16, 2009

Si ‘Ako’ sa Makulay na Mundo ng Komiks

“Pssst, hoy!”
“Ako?” sabay turo sa aking sarili habang pasimpleng lumilinga kung may ibang taong nasa paligid maliban sa akin. Mabuti na ang nakasisiguro dahil si ‘hoy’ ay hindi napipirmi sa iisang tao lamang. Ito’y maaring ‘ako’ o dili kaya’y ikaw o kaya nama’y sila: isang katotohanang aking ikinamamangha at akin din namang ikinaiinis.
Namamangha ako dahil sa iisang tawag lamang, hindi lang iisa ang mapapalingon. Ngunit sa isang banda’y nakaiinis isiping nawawala ang isang bahagi ng aking pagkakakilanlan. Tulad ng aking sariling pangalan. Hindi ba’t wala nang papantay pa sa musikang hatid ng pagbigkas ng ating sariling pangalan?
Noon pa man, bisyo na ng Nanay ko ang magbasa ng komiks. Ibayong ligaya ang hatid sa kanya ng mga tauhang kanyang tinawanan at iniyakan. Kaya’t hindi na kataka-taka kung doon niya hinango ang aking pangalan.
Ang sabi ng mga kaibigan ko hindi raw ako mahirap patawanin. Tipong magpunit lang ng papel sa harap ko, tatawa na ako. Masyado raw akong masayahin na para bang permanente na ang ngiti sa aking mga labi. Kaya’t sa tuwing may dinaramdam ako o kaya’y may problema, malalaman nila kaagad dahil hindi sila sanay na lukot ang mukha ko. Minsan tuloy pakiramdam ko, wala akong karapatang sumimangot o kaya’y magmukmok dahil ligaya ang nakadikit sa pangalan ko. Na tulad ng isang komiks, ipinanganak ako upang maghatid ng kasiyahan sa ibang tao.
Wala akong balak maging kandidato sa pulitika sa hinaharap pero minsan kahit hindi ko kakilala basta’t nasalubong ko, hindi makaliligtas sa ngiti ko. Swerte na ako kung singtamis ng bukayo ang ngiting isinusukli sa akin. Ang kaso may mga oras na maasim pa sa sinampalukan ang mukhang sasalubong sa ‘kin. At kung minalas-malas pa, sasabihan pa ako ng “anong nakakatawa?” Naisip ko ganoon talaga siguro. Hindi lahat mapapangiti mo. Parang sa isang biro, hindi lahat matatawa. May mangilan-ngilang mapipikon sayo.
Kahit ang Nanay ko, may mga pagkakataong ayaw niyang sobra ang saya ko. Masama raw iyon dahil siguradong ibayong kalungkutan ang kapalit ng bawat halakhak ko. Nakakatawa hindi ba? Kapag malungkot ka, gustong mapasaya ka. Pero kapag sobra ang kasiyahan mo, pagbabawalan ka’t gustong maghinay-hinay ka sa katatawa.
Hindi ko alam kung may punto ba ang Nanay ko roon. Pero sa isang banda naisip ko, bakit ko pipigilan ang sarili kong tumawa nang malakas o humalakhak nang walang humpay kung may dahilan naman para gawin ko iyon? Isa pa, ang kalungkutan ay tulad ng masamang hangin. Hindi mo maiiwasang malanghap ang amoy na ‘yon. Pero may magagawa ka. Maaari mong takpan ang ‘yong ilong para hindi tuluyang manuot sa pang-amoy mo ang bahong hatid niyon. Sa isang banda, paminsan-minsan kailangan din nating makalanghap ng masamang hangin para mas maging matibay ang ating resistensiya. Tulad ng kalungkutan, kailangan natin ito para higit nating maunawaan ang halaga ng bawat segundong tayo’y nakatatawa.
Malaki talaga ang impluwensiya ng komiks sa Nanay ko dahil pati palayaw ko hinango niya rito. “Niknok” ang tawag sa akin sa bahay. Isa siyang tauhan sa funny komiks na ayon sa Nanay ko ay napakakulit na bata. Idagdag pa na bulol ito at mahilig sa manok— mga katangiang taglay ko noong bata pa ako.
Hanggang ngayon bitbit ko ang palayaw na ‘yon sa amin. Sa katunayan, gusto kong dalhin iyon hanggang sa aking pagtanda. Dahil para sa akin, ang palayaw na iyon ang nagpapaalala sa akin ng kabataan ko— isang yugto sa aking buhay kung saan simple ang lahat; na hindi ko kailangang mabuhay para sumunod sa kagustuhan ng iba sukdulang isantabi ko ang sariling kaligayahan ko.
May rason kung bakit sa komiks nakuha ng Nanay ko ang pangalan at palayaw ko. Hindi na mawawala ang kasiyahang kakambal na ng pangalan ko. Sa pagdaan ng mga araw, buwan at taon, tiyak na madaragdagan din ang mga rason ko para patuloy na ngumiti. Alam kong kaakibat ng mga ngiting iyon ay mga luhang maaaring magpaigting o makabawas sa kaligayahang iyon. Subalit mananatili pa rin sa katauhan ko si Niknok, ang batang makulit na patuloy na magpapaalala sa akin ng isang simpleng buhay na malayo sa pagkukunwari.
Totoo na ang buhay ay parang isang komiks lamang. May oras na tatawa ka, may oras din namang iiyak ka. Minsan may galit pero sa bandang huli mayroong isang bagay na ipagpapasalamat ka: ‘di tulad ng komiks na may nakatakdang wakas, hangga’t nabubuhay ka’y maaari mong balikan at ayusin ang mga gusot sa buhay mo; at ang maganda roon, ikaw ang gagawa ng sarili mong wakas.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home