pasaKalye

Monday, February 2, 2009

Civil Status

Bakit nga ba ang babae kapag ikinasal kailangan nang 'itapon' ang kanyang apelyido para lang palitan ito ng apelyido ng kanyang asawa?

Naiinis ako dahil masyadong mabusisi lalo na ng pag-aayos ng mga papeles para lang magpalit ka ng status at apelyido. Hindi ko naman kasi naisip ang mga ito nang pakasalan ko ang asawa ko kailan lang. Nakakatawa pero siguro kung naisip ko lang ito at ang maaaring idulot nito sa karera ko, baka nagtatlong isip pa 'kong magpakasal tutal bata pa naman ako.

Ayokong isiping nagsisisi ako. Ako naman ang nagdesisyon kasama ng kabiyak ko. Isa pa, limang taon na rin ang relasyon namin kaya noong mga oras na yayain na niya akong magpakasal, naisip kong panahon na nga siguro para dalhin na namin sa ibang lebel ang aming relasyon.

Inaamin kong napakahirap pala lalo na kapag may hindi kayo pinagkakaunawaan. Sa tuwing naiisip kong akala ko kilala ko na siya, iba pala talaga kapag kasal na kayo. Ang hirap, parang minsan gusto mo na lang siyang isauli sa mga magulang niya! Hahaha...

Ayoko ring isipin na kaya lalo akong nahihirapang maghanap ng trabaho ay dahil sa 'civil status' ko. Napansin ko kasing marami rin sa mga employers na gusto nila'y single--walang sabit o siguro walang masyadong responsibilidad. Kahit ang ilang mga kaibigan ko'y sinasabing malaking bagay sa resume ang status mo. Pero naniniwala akong marami nang mga matatalinong employers ngayon na hindi na tumitingin sa status. Sana.

Isang kaklase ang nagsabi sa 'kin na nasa babae na raw kung gusto niyang gamitin ang apelyido ng asawa. Nasa Family Code na raw ngayon iyon. Hindi ko pa natse-tsek kaya hindi ko pa sigurado. Mahirap kasi at sobrang nakalilito.

Naalala ko nga nang kunin ko ang eligibility ko sa Civil Service, nasigawan pa 'ko ng matanda dahil iba raw ang apelyido ko sa resibo at sa application ko. Parang kailangan ko na ngang i-record para i-play ko na lang sa kanila na 'kakakasal ko lang at hindi ko pa nakukuha ang bago kong I.D. Natural magkaiba ang apelyido ko dahil hindi pa naman ako nagpapakasal noong nag-graduate ako sa kolehiyo.'

Buti pa ang mga lalaking nagpapakasal, hindi na nila kailangang magtapon ng pangalan. Sana, ganun din sa mga babae. Para pantay.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home