pasaKalye

Monday, February 9, 2009

Paglalayag sa Kawalan

Kung pwede lang utusan ang mga mata ko na pumikit na, ginawa ko na sana. Hindi ko maintindihan kung bakit tila may sariling isip ang mga ito na kahit pilitin ko mang ipikit, didilat at didilat pa rin mga ito.

Naramdaman mo na ba iyon?

Ang sakit. Nakakatakot. Lalo na kung mahimbing na ang lahat at tanging ugong na lang ng aircon ang naririnig mo. Nakapanghihilakbot. Parang sumasaid sa kailaliman ng mga buto ko ang lamig. Ano pa ang pagkakaiba ko sa mga bangkay?

Nananakot ka ba?

Hindi ako nananakot. Hindi ito tungkol sa mga multo o kaluluwa o kung anumang masasamang elemento.

Matakot ka sa buhay huwag sa patay. Higit sa lahat, matakot ka sa iyong SARILI.

Tama. Dahil kailanman ang isang sumakabilang-buhay na ay hindi na maaaring makapanakit sa 'yo. Matakot ka sa sarili mo dahil may kakayahan itong patayin ka...

sa pag-iisip ng kung anu-anong bagay?

Oo. Mga bagay na kayang sirain pati na ang bait mo.May naririnig ka bang nagsasalita kapag mag-isa ka?

Parang merong bumubulong pero hindi ko maintindihan ang mga salita... mabilis ang mga ito. Mahina lang ang pagbulong pero nakabibingi.

Nabibingi ka sa sarili mong boses?

Ha? Bo-boses ko?

Oo. Nakakatawa ka naman! Hindi mo kilala ang sarili mong boses? Marami itong binubulong sayo pero pinili mong isara ang mga tenga mo. Bakit? Natatakot ka ba sa kanya?

Tumigil ka! Hindi ako natatakot sa kanya--

Pero bakit ang lakas ng kabog sa dibdib mo? Dinig na dinig ko.

Hi-hindi... Niloloko mo lang ako!

Ikaw pa ang niloloko ko?! O baka naman, ikaw itong nanloloko?

Paano mo nalamang--?

Kilala kita. Kilalang-kilala. Alam ko ang lahat ng tungkol sayo. Gaya ng alam ko kung anu-ano ang mga ibinubulong sayo.

Bakit mo ginagawa ito?

Bakit hindi mo subukang makinig sa mga binubulong sayo?

Para ano?!

Para hindi ka na mahirapan. Para matapos na lahat...Mas madali iyon.

Tatakas ako? Tatakasan ko lahat ng mga problema ko? Ha! Hindi ako duwag.

Hindi karuwagan ang gagawin mo. Mas magiging matapang ka nga eh. Dahil hindi ka takot masaktan.Hindi katulad ng iba riyan. Masyadong masokista. Magtitiis na lang kahit hirap na hirap na. Ayaw mo bang subukan?

Hindi! Ayoko!

Isang iglap lang iyon. Hindi mo nga mararamdaman eh. Para ka lang matutulog. At paggising mo, wala ka nang aalalahanin pa.

Aahhh! Tumahimik ka! Lumayo ka sa 'kin! Lumayo ka!

Imposible ang hinihiling mo. Hinding-hindi kita iiwan kahit kailan.

Patahimikin mo na 'ko... tumigil ka na! Nabibingi na 'ko...

Kung gusto mo ng katahimikan, gawin mo ang sinasabi ko. Kapag nagawa mo iyon, hinding-hindi mo na 'ko maririnig pa...Pangako.

Ta-talaga?

Oo.

Paano ako makasisiguradong tutuparin mo ang pangako mo?

Panghawakan mo ang mga bulong ko. Sige na. Isang hakbang lang at mawawala na ako.

Saan ka pupunta paghakbang ko?

Hindi ko alam. Hindi ko pa alam. Hindi ko talaga alam...






0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home