pasaKalye

Wednesday, February 4, 2009

Trip to Quiapo

Literal na parang isang sako ng sementong nakahalo na ang pakiramdam ko kaninang umaga. Dahil nasanay na akong gumising ng tanghali, brutal na parusa ang paggising ko nang maaga. Bukod sa mag-aayos nga ako ng mga papeles ko, kasama kong kukuha ng NBI ang kapatid kong natanggap na sa St. Luke's. At dahil gaya ko'y marami rin siyang lalakarin para maipasa na niya ang mga kailangang ipasa bukas sa nasabing ospital, kailangan naming umalis ng maaga. Alas otso ang usapan namin. Pero dahil hindi pa siya bumabangon sa kama, minabuti kong umidlip pa kaya mag-aalas nuwebe na nang tumulak kami papuntang Quiapo para kumuha ng NBI. At dahil coding ang sasakyan, makikipagbuno kami sa mga alikabok sa lansangan.

Mabuti pa siya't ilang minuto lang ay nakuha na niya ang kanyang NBI clearance. Nauna na siyang umalis at ako'y naiwan kasama ng dakila kong kabiyak. Mabuti na lang, sa lahat yata ng sangay ng gobyerno, ang NBI sa may Quiapo ay may sistema. Maayos ang pila at kahit maraming bakante na dapat sana'y inookupa ng mga dagdag na empleyado, naging mabilis naman ang pag-usad ng pila kahit pa iilan lang ang mga nakatoka sa bawat window. At dahil tatlong araw ang proseso, sa Lunes ko na makukuha ang NBI ko.

Natuwa rin ako nang malaman ko buhat sa napagtanungan kong empleyado na kapag lumabas na ang kopya ko, lilitaw rin lahat ng apelyido ko. Hindi ko alam kung medyo nakulitan lang siya sa akin pero masaya ako sa nalaman ko. Siguro nga mababaw ako pero para sa 'kin, malaking bagay iyon dahil nakalilito talaga ang hindi alam kung ano ba talaga ang apelyidong ginagamit mo.

Walang isang oras ay nakalabas na kami sa loob ng gusali. At dahil marami pang oras, minabuti naming mag-ikot sa Quiapo matapos mananghalian. Para akong batang ngayon lang nasisinagan ng araw. Nakakalakas pala talaga ang makakita ka ng kamukha mong may dalawang kamay at paa kaysa sa mga pader sa kuwarto na kumukulong sa aking imahinasyon.

Hindi ko pa naaayos ang ibang dapat kong ayusin pero may bukas pa naman. Isa pa, minsan lang dumating sa akin ang pagkakataong nakakawala ako sa masikip na mundong ako mismo ang may kagagawan.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home