pasaKalye

Sunday, February 8, 2009

Isang Soneto

Traje de Boda

Nasusukat ba sa kulay ng Traje de Boda
ang kadalisayang taglay ng isang Maria?
Kung sa dambana’y haharap at maninikluhod
nararapat lang bang puti ang kanyang isuot?
Sakaling may bahid pula ang kanyang naisin,
mababahiran ba ng dungis ang ‘yong pagtingin?
Paano kung putik sa damit niya’y tumalsik?
Pagsinta mo ba’y mahahalinhan ng himagsik?
Kung sa ‘yong nililiyag pag-ibig mo’y busilak,
anumang kulay ng Traje de Boda n’ya’y pilak.
Puti man o pula, itim o may bahid mantsa,
siya’y magmamartsa at tuloy ang seremonya.
Kahit pa may mga Magdalenang nagkukubli
sa Traje de Bodang nakasisilaw sa puti.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home