Taboan, Tagpuan
Napakahalaga ng araw na ito.Ito ang araw kung saan nagtipun-tipon ang mga batikang manunulat na tinitingala natin sa mundo ng Literatura-- mga manunulat na naging parte ng paghuhulma ng ating pagka-Pilipino.
Para sa tulad kong ang pluma'y nagsisimula pa lamang umindak sa saliw ng mga salita, isang malaking karangalan ang makadaupang-palad ang mga pinagpipitagan nating manunulat gaya nina F. Sionil Jose, Pete Lacaba, Virgilio Almario, Gemino Abad, Isagani Cruz, Butch Dalisay, Cristina Pantoja Hildalgo, Marjorie Evasco, Rebecca Anonuevo, Benilda Santos, Mookie Katigbak, J. Neil Garcia, Mia Tijam at marami pang iba. Sila na una kong nakilala sa libro, ni sa hinagap ay hindi ko inasahang darating sa buhay ko ang ganitong pagkakataon. Para akong nakalutang sa alapaap habang hindi magkanda-ugaga sa pagpapakuha ng letrato kasama sila.
Iba ang pakiramdam na makasama sila kahit sa sandaling oras lamang. Pakiramdam ko, nabiyayaan ako ng kanilang angking galing sa sining. Pakiramdam ko, naging parte ako sa mga gantimpalang natamo na nila. Pakiramdam ko, abot-kamay ko na sila.
Nakakatawa man, nasabi ko sa kaibigan ko na darating ang araw, kami na ang uupo roon at magsasalita ukol sa mga pinagdaanan namin bilang isang manunulat. Hindi naman siguro masama ang mangarap. Lalo na't marami kaming natutunan at patuloy na natututo sa mga manunulat na naging inspirasyon na namin upang kami'y patuloy na makipagsayaw sa mga salitang bubuo sa aming mga likha.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home